Ni Margot Gonzales
MULING itinutulak ng ilang mga senador ang pagbabalik ng death penalty sa bansa kasunod ng malagamim na sinapit ng mag-ina mula sa pamamaril ng isang pulis sa Paniqui Tarlac.
Linggo ng hapon nang ginawa ni Police Staff Sergeant Jonel Nuezca ang pamamaslang sa mag-ina niyang kapitbahay dahil sa matagal ng alitan.
Dahil naman dito ay para kay Sen. Bato dela Rosa dating PNP Chief ang ginawa ng naturang police ay maituturing na heinous crime na kung saan isang death penalty ang nararapat na kaparusahan dito.
Ang hinaing lang ngayon ng senador ay napakatagal umusad ng Death Penalty Bill.
“Yung ginawa ng pulis na cold-blooded killing is double murder and a heinous crime na dapat ang parusa ay death penalty,”
“Pero hanggang ngayon hirap na hirap pa ring umusad yung inauthor kong death penalty bill,” ayon kay Sen. Dela Rosa.
Si Sen. Manny Pacquiao naniniwala na makakatulong ang Death Penalty para maging epektibo ang pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng heinious crime.
Ito rin aniya ang mabisang paraan para matakot ang sinumang pumatay ng tao o gumawa ng anumang krimen.
“Alam kasi ng mga kriminal at mga utak kriminal na makukulong lamang sila kapag gumawa ng karumal-dumal na krimen,” wika naman ni Sen. Pacquiao.
Bigyan sana natin ulit ng pagkakataon itong death penalty dahil sa tingin ko, ito na lang ang kulang upang magiging mabilis at magiging epektibo ang ating pagbibigay ng hustisya sa ating kababayang biktima ng heinous crimes.”
Naniniwala rin si Sen. Bong Revilla na ang nangyaring shooting incident ay sapat na rason para muling magkaroon ng Death Penalty sa bansa.
Sa ngayon ay nasa lima ang nakapending na panukala para sa re imposition ng Death Penalty.