Ni Arjay Adan
MAGLULUNSAD ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng imbestigasyon sa mga quarry operations sa Rizal matapos na tamaan ng matinding pagbaha ang probinsya at Marikina City noong nakaraang buwan.
Ito ay matapos na pansamantalang suspendehin ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region 4A ang hindi bababa sa 11 quarry at crushing plant operators na nakapaloob sa Marikina River Basin.
Ayon sa ahensya, bumuo ito ng apat na composite teams na mayroong aerial mapping drones upang tuonan ng pansin ang quarry operations sa river basin na siyang sinisisi ng mga residente doon dahil sa matinding pagbaha na dulot ng bagyong Ulysses.
Sinabi rin ng DENR na mananatiling suspendido ang mga operasyon ng quarrying sa probinsya hangga’t hindi nakukumpleto ng composite teams ang assessments nito.
Matatandaan na dahil sa matinding ulan na dulot ng bagyong Ulysses ay tumaas ang water level sa Marikina ng lagpas 22 metro – mas mataas ito sa bahang idinulot ng bagyong Ondoy noong taong 2009.