Ni Pat Fulo
NANINIWALA si ACT-CIS Partylist Rep. Jocelyn Tulfo na mas mainam kung mas maunang isagawa ang pilot implementation ng face-to-face classes sa college at graduate school level.
Ayon sa mambabatas, matapos nito ay saka na lamang isunod ang gradual opening sa ibang lebel, kung saan susunod ang senior high school, junior high, at panghuli ang kinder hanggang Grade 6.
Ayon pa kay Tulfo, oras na magkaroon na ng bakuna sa bansa ay dapat na ring unti-unting magbukas ang college campuses habang sa huling quarter naman ang nasa senior high school.
Aniya, hindi na kasi kakayanin pa ng mga estudyante na magkaroon pa muli ng isang taong blended learning.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro sa Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) ang pagkakasa ng parallel COVID-19 Vaccination Program kasabay ng pagbubukas ng klase.