Ni MJ Mondejar
MAS napagtutuunan umano ng pansin ang election budget, kumpara sa pondo para sa bakuna kontra COVID-19 ayon kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano.
Nagtrending nitong nakaraang araw sa twitter ang #replacevelasco.
Kinuwestyon sa Twitter ng ilang netizens ang hakbang ng bagong lider ng Kamara.
Partikular na ang dami ng mga deputy speaker sa ilalim ng Velasco leadership.
Kinuwestyon din ng ilang netizens kung bakit pinalitan ang chairman ng ilang komite sa Kamara na dumidinig sa mga mahahalagang isyu sa lipunan.
Bago matapos ang taon ay tinanggal sa puwesto sina Blue Ribbon Committee Chairman Jonathan Sy-Alvarado at Public Accounts Chairman Mike Defensor.
Ayon kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano, ang pagtrending ng #replacevelasco ay hudyat ng sama ng loob ng ilang Pilipino.
Giit din ni Cayetano na siyang nagtalaga kina Defensor at Sy-Alvarado bilang committee chairman na sana ay matalakay pa rin ang mga nakabinbing usapin sa komite na hindi pa nabibigyang linaw.
Napansin din ng dating lider ng Kamara na pang election budget na ang pinag-uusapan ngayon sa Kamara sa halip na pagtuunan ng pansin ang pondo para sa bakuna.
Nauna nang sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na P50-million ang inilaan nilang pondo para pabakunahan ang lahat ng mga empleyado ng Kamara.
Giit din ni Velasco na huli sa prayoridad na mabigyan ng libreng bakuna ang mga kongresista.