Ni Ethel Guanco
MATAGUMPAY na nakumpleto ni Gretchen Ho ang kanyang target na makapag-donate ng isang libong bisikleta sa kanyang #donateabikesaveajob initiative.
Sa Instragram post ng athlete-TV host, sinabi nito na espesyal ang batch na nakatanggap ng huling 100 bikes dahil ito ang kukumpleto sa target niyang isang libo.
Isang daang kababaihan ang nakatanggap ng mga bisikleta sa Ayala Circuit Mall na kilala naman sa pagkakaroon ng mga bike-friendly resto at parking lot.
Ayon kay Gretchen, nagawa niyang makapagdonate ng mga bikes sa magkakaibang hanay ng mga indibidwal tulad ng mga nurses, janitress, security guards at maging mga ina.
Nakapagbigay din siya sa iilang kababayan natin na naapektuhan ng bagyo kamakailan.
Nagsilbing inspirasyon sa ilang celebreties ang naturang initiative ni Gretchen ngayong pandemic kung kaya’t nakilahok din ang mga ito sa kanyang proyekto.
Kabilang na rito sina Catriona Gray, Sam Milby at Piolo Pascual na nagdonate rin ng mga bisikleta.
Paglalahad ni Gretchen, importante ang bisikleta upang makaiwas sa hawaan ng COVID-19 sa biyahe at ito’y makakatulong din upang makatipid at maitabi ang pera sa iba pang mahahalagang bagay.