Ni Cresilyn Catarong
HINIKAYAT ng Malakanyang ang mga manggagawa sa firecracker industry na humanap na ng ibang alternatibong mapagkakakitaan.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ikinokonsidera nito ang pagbabawal sa paggamit ng mga paputok.
Ani Roque, malaki ang posibilidad na magkakaroon na ng total ban sa Sparkly Pyrotechnics sa susunod na taon, buwan ng Disyembre.
“Kumbaga, binigyan na ng warning ng presidente: humanap na kayo ng ibang hanapbuhay dahil sa susunod na taon, magkakaroon na tayo ng absolute firecrackers ban.”
Nagbabala ito na ipagbabawal na ang paggamit ng mga paputok at pyrotechnics sa bansa tuwing kapaskuhan at bagong taon kagaya rin ng polisiya na ipinapatupad sa kanyang hometown sa Davao City.
Binigyang diin ng punong ehekutibo na delikado ang paggamit ng mga paputok at ang pagbabawal dito ang siyang paraan para mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng publiko.
Binalaan din ng presidente ang mga pulis, militar at sibilyan, may lisensiya man o wala, na huwag gumamit ng baril bilang paputok.
“Kung sa New Year ka magpapaputok, papahirapan kita. Sabihin ko sa mga pulis, ‘wag n’yong linisin mga kubeta n’yo sa preso,’ wag n’yong linisin sa pasko pati New Year.’ kasi diyan ko ipasok ‘yung mga ‘yan. That’s an order. Do not clean.”
Batay sa tala ng Department of Health, bumaba ng talumpu’t limang (35) porsyento ang mga nadisgrasya o firecracker-related injury nitong nakaraang taon.
Una nang pinalimitahan ni Pangulong Duterte ang paggamit ng paputok noong taong 2017.
Noong Enero ng 2019 naman, binanggit ng chief executive na mag-i-isyu siya ng executive order na tuluyang magbabawal sa paggamit ng firecrackers.