Ni Arjay Adan
NASA higit 126,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang naghihintay pa ring makauwi sa bansa.
Ayon sa Department of Labor and Employment o DOLE, hiniling ng mga OFWs na muling makauwi matapos na maapektuhan ang trabaho ng mga ito ng global pandemic ayon kay Alice Visperas, director ng International Affairs Bureau ng ahensya.
Ngunit ani Visperas, nasa 82,000 na displaced OFWs ang piniling manatili sa mga host countries nito upang maghanap ng ibang trabaho.
Base sa pinaka huling datos ng DOLE, nakapag-pauwi na ang pamahalaan ng higit 550,000 pandemic-displaced OFWs kabilang na ang mga seafarers buhat nang magsimula ang taon.
Ayon pa kay Visperas, higit sa 370,000 dito ay napauwi na sa kani-kanilang probinsya.
Ayon naman sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, nasa 80,000 na OFWs pa ang inaasahang uuwi ng bansa sa unang bahagi ng taong 2021.