Ni Cherry Light
MINARKAHAN ang ika-500,000 na mga returning overseas Filipino sa NAIA ang sumailalim na sa swab test, simula nang manalasa ang COVID-19 pandemic, ginawa ang programa bilang bahagi na rin sa paggunita ng Bonifacio Day kahapon at sa itinuturing na mga bagong bayani walang iba kundi ang mga Overseas Filipino Workers.
Ang programa ay inorganisa ng Philippine Coast Guard (PCG) Task Force Bayanihan at ng Department of Transportation’s (DOTr) Airport One-Stop Shop (AOSS) team para i-welcome ang ika–kalahating milyong balik overseas Filipino na sumailalim sa swab test.
Sa pamamagitan ng Philippine Coast Guard Band ay hinarana ng mga ito ang returning overseas Filipino’s ng mga tugtuging pamasko.
Ang bumuo ng ika-kalahating milyong sumailalim sa swab test ay lulan ng 200 overseas Filipinos ng Saudia Airlines Flight SV 862 na lumapag pasado alas dos ng hapon kahapon sa NAIA Terminal-1.
Samantala umaasa naman si Admiral George V. Ursabia Jr., ng Philippine Coast Guard na hindi rin magtatagal ay matatapos na rin ang prosesong pinagdaraanan ngayon ng mga dumarating na OFWs sa NAIA bago makapiling ang kani-kanilang mga pamilya.
Nag-alay din ng kanta at bulaklak ang PCG sa mga OFWs bago sila isinailalim sa swab test bilang bahagi pa rin ng health protocols at direktiba ng IATF.