Ni Champaigne Lopez
ANG pagpapakilala sa sarili sa unang pagkakataon ay mahalaga sapagkat ito ang magiging pagkakakilanlan mo sa mga taong nakapaligid sa iyo.
Maraming pag-aaral ang nagsabing higit na importante ang pakikisama kumpara sa pagiging matalino. Dahil kung tayo ay marunong makisama o makipag salamuha sa ibang tao ay magiging komportable tayo sa ating trabaho o ginagalawan, kaya naman sa unang araw pa lang ay ipakita na ang iyong magandang pag-uugali.
Mahalaga ang first impression sa mga nag-aapply pa lamang sa trabaho. Ayon din sa mga nag-iinterview, ang unang tinitignan nila ay ang maayos na pananamit at maayos na pagsasalita at tamang pag-uugali.
PANANAMIT
Ang pagpili ng tamang susuotin para sa araw ng interview, sa unang araw ng trabaho, sa pagpapakilala sa eskwelahan o sa unang araw ng pakikipagkita sa ibang tao ay mahalaga. Dahil ang ating kasuotan ang unang napapansin sa atin kaya naman paghandaan ito at ibagay sa lugar na pupuntahan.
PANANALITA
Sa paghahanap ng trabaho ay kinakailangang handa tayo sa ating mga sasabihin lalo na kapag tayo ay nasa interview. Kung gusto natin makuha ang trabaho na inaaplayan natin ay galingan natin sa pagsasalita dahil ang bawat salitang lumalabas sa ating bibig ay sumasalamin sa ating personalidad at magbibigay ng tanda kung anong klaseng tao tayo.
PAG-UUGALI
Ang tamang pag-uugali ay hindi lang ipinapakita sa unang pasok, isinasabuhay dapat ito. Ang manners o magandang asal ay importante upang maging maayos ang impresyon sa iyo ng ibang tao dahil kung ikaw ay may manners, titignan ka nila bilang isang edukadong tao at naturuan ng tama ng mga magulang.