Ni Claire Robles
HINDI lamang ang Magat Dam ang dahilan ng kasalukuyang pagbaha sa Cagayan Valley.
Ito ang binigyang-linaw ng National Irrigation Administration O NIA.
Ayon sa ahensya, ang Magat River Basin ay isa lang sa dalawampung river systems sa loob ng Cagayan River Basin.
Batay sa pag-aaral, labinlimang porsyento (15%) lamang mula sa kabuuang water storage capacity ng River Basin ang nagmumula sa Magat Dam at dalawampu’t isang porsyento (21%) naman kung iko-konsidera ang control point nito mula sa Buntun Bridge sa Tuguegarao City.
Ang pahayag na ito ng ahensya ay kasunod ng patuloy na paninisi sa Magat Dam bilang pangunahing dahilan ng malawakang pagbabaha sa Cagayan Valley Region sa kasagsagan ng bagyong Ulysses noong Nobyembre.
Paliwanag ng NIA, ang Cagayan River Basin ay hinati sa tatlong bahagi – ang Upper Cagayan River Basin na binubuo ng Ganano at Magat; ang Middle Cagayan River Basin na binubuo ng Siffu-Mallig at Pinacanauan Rivers ng Ilagan, Tumauini at San Pablo; at ang Lower Cagayan River Basin na binubuo ng Pinacanauan de Tuguegarao, Chico Pared at Dummun.
Dagdag pa ng ahensya, ang kasalukuyang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan at sa ilang bahagi ng Isabela ay dulot ng kalamidad sa kalikasan na hindi mapipigilan ng tao.