Ni Claire Robles
INALERTO ng Malakanyang ang publiko sa posibleng mga pagbaha at pagguho ng lupa na maaaring idudulot ng dalawang Low Pressure Area o LPA at ng amihan.
Ito ay kasunod ng babala ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration o PAGASA matapos i-anunsyo na nasa loob na ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang dalawang LPA na inaasahang magdadala ng katamtaman hanggang sa malalakas na mga pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa.
Dahil dito, hinimok ni Presidential Secretary Harry Roque ang publiko na subaybayan ang mga balita para sa mga update kaugnay sa paglilikas at iba pang relief at response operations ng nasyonal at lokal na pamahalaan.
Gayunman, nagpaalala rin ang kalihim na sa gitna ng masamang panahon, mahalaga pa rin na panatilihin ang pag-o-obserba sa minimum health standards na ipinatutupad sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya.