Ni Stephanie Macayan
ARAW-ARAW exposed tayo sa sari-saring mga virus at bacteria na maaring magdala sa atin ng iba’t ibang sakit. Kaya dapat kumuha ng lakas at resistensya sa pamamagitan ng pagkaing magbibigay sa atin ng mga ito.
Pagod, puyat at stress ang karaniwang kalaban ng ating kalusugan. Buti na lamang ay mayroong likas na panangga ang ating katawan laban sa impeksyon.
Upang maka-iwas tayo sa sakit lalo na ngayong tag-ulan, ating alamin ang pagkaing makatutulong upang mapalakas ang ating resistensya at mailayo ang sarili sa ano mang uri ng sakit.
Mayroon mga pagkain na siksik at mayaman sa sustansya na nakapagpapatibay ng ating resistensya.
Tahong. Ito ay mayaman sa zinc at protein. Sa isang panayam sa Good News ng GMA News, sinabi ng nutritionist na si Pearl Esguerra, dapat parating kumain ng pagkain na maraming zinc. Bukod sa tahong, ang isda ay mayaman din sa zinc na nagpapalakas sa antibodies ng katawan.
“Pwede rin tayong kumain ng mga green leafy vegetable tulad ng spinach. Kasi marami rin siyang mga vitamins na maaring makadagdag sa immune system,” dagdag ni Esguerra.
Mga maaring luto sa tahong ay adobo, nilaga, ensalada, ginisa sa oyster sauce at marami pang iba.
Upang mapatibay ang resistensya maaring kumain ng hanggang isang tasa ng tahong o hanggang dalawang serving naman ng isda araw-araw.
Tuna at itlog. Bukod sa seafood, ang tuna at itlog ay mayaman din sa protina. Mayroon din itong Omega 3 fatty acid na nakakatulong na mapalakas ang resistensya at ang immune system.
“They also have vitamin A and vitamin B complex, so these all together when eaten can boost our immune system. They have to be eaten every day,” paliwanag ni Esguerra.
Upang magkaroon ng gana kumain lalo na ang mga bata, ipagluto sila ng Tuna and Egg Stuffed Tomato dahil ito ay kaigaigayang tignan at siguradong magugustuhan ng mga bulilit.
Upang makagawa nito, ihanda lamang ang keso, kamatis, mayonnaise, paminta, asin, sibuyas at celery. Pakuluan ang kamatis pagkatapos ay tanggalan ito ng laman.
Sa isang lagayan pagsama-samahin ang tuna, itlog, cheese, mayonnaise, sibuyas at celery. Tsaka ito lagyan ng pampalasa katulad ng asin at paminta tsaka ito haluin.
Pagkatapos gawin ang paghahalo ay tsaka ito ipalaman sa kamatis at maaari na itong kainin.
Carrot. Isa ang carrot sa napatunayang maraming benepisyo sa ating katawan.
“Carrot again, meron siyang tinatawag na beta carotene. A good immune enhancer. Actually lahat naman ng mga gulay na may orange color or red color ay merong beta carotene,” sabi ni Esguerra.
Maari itong gawing carrot yemma balls. Madali lamang itong gawin. Ihanda ang boiled carrots, mani, cornstarch, syrup, itlog, asukal, butter, at condensed milk.
Durugin ang carrot habang sa isang kawali gumawa ng yema gamit ang condensed milk at syrup. Isunod naman ang mani, ilagay din ang butter at ang dinurog na carrot.
Habang ito ay nasa kawali, haluin ito upang maiwasang masunog habang hinihintay na lumapot ang niluluto. Habang hinahalo ito, tsaka ilagay ang egg yolk at cornstarch upang lumapot ang yema. Haluin ito nang maigi upang matunaw ang cornstarch.
Kapag ito ay luto na maari na itong bilugin at isawsaw sa asukal. Ito ay masarap ihanda sa oras ng meryenda.
Sinigang. Masustansya ang pagkaing ito dahil hinaluan ito ng iba’t-ibang uri ng gulay tulad ng kangkong, sitaw, sigarilyas, okra, gabi, at talong na may iba’t ibang benepisyo sa pagpapalakas ng resistensya.
Ang sinigang ay isa sa mga paboritong pagkain ng mga Pilipino. Maaring luto dito ay sinigang na baboy, sinigang na hipon, sinigang na bangus, sinigang na baka at marami pang ibang sangkap ang maaring gawing sinigang.
Kare-kare. Katulad ng sinigang masustansya rin ito dahil marami itong sahog na gulay. Nariyan ang talong, sitaw, puso ng saging at pechay.
Ang lahat ng nabanggit na gulay ay malaki ang tulong sa pagpapalakas ng resistensya at pag-iwas sa sakit at impeksyon.
Pakuluan lamang ang karne na sahog at kapag ito ay malambot na maaari nang ihalo ang mga sangkap na gulay at mga pampalasa nito.
Mas masarap itong kainin kung sasamahan ng kaniyang partner na bagoong.
Hindi naman kailangan kumain ng mga pagkaing hindi ka mabubusog dahil lang sa mayroong sinusunod na diet para sa maayos na kalusugan at para sa pagpapalakas ng resistensya. Mayroong mga pagkain na hindi natin aakalaing mayaman pala sa mga sustansiya na pampalakas ng resistensya.
Kaya naman huwag magdadalawang isip na subukang ihanda sa hapagkainan ang lahat ng ito na bukod sa masustansya ay masarap pa.