Ni Champaigne Lopez
PASKO na naman! At labasan na ang mga usapin tungkol sa paborito nating buwan ng taon. Nariyan ang mga tindahan ng mga dekorasyon tulad ng parol, Christmas tree, Christmas lights at siyempre pa ang wish mong may magbibigay sayo ng taunang regalo. Kaya narito ang ilan sa mga pang regalo na hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala sa uso.
Hamon. Hilig nating mga Pinoy ang kumain, lalo na tuwing sasapit ang Pasko. Unang araw pa lamang ng Disyembre ay marami na ang naghahanda para sa ihahain nila sa bisperas ng Pasko. Ang hamon ay kadalasang pinangreregalo at pandagdag sa mga handa.
Damit. Madalas ay ito ang natatanggap natin sa ating mga ninong at ninang bukod sa isa ito sa mga pangunahing pangangailangan ng tao ay hindi pa ito mahirap hanapin dahil kahit saan naman ay puwede kang makabili ng damit; alamin lang ang size ng iyong pagbibigyan upang makasiguro na mapakikinabangan nya ito.
Coffee mug. Sa bawat monito-monita sa Christmas party ay siguradong may magreregalo ng coffee mug. Bukod sa magagamit ito sa pang araw-araw ay maari mo rin ito palagyan ng design. Maaari mo itong lagyan ng pangalan, quotes o mukha ng paboritong artista ng iyong pagbibigyan.
Wall clock. Ito ay isa rin sa mga madalas na ipangregalo bukod sa mura na ito ay maganda rin pang dekorasyon sa bahay. Tulad din sa coffee mug ay maari mo rin itong palagyan ng disensyo base sa iyong gusto.
Accessories. Usong-uso ngayon ang palamuti sa katawan tulad ng hikaw, kwintas, bracelets, wallet, sumbrero, salamin sa mata at marami pang iba. Kaya naman maganda itong pangregalo sa pasko, dahil bukod sa ito ay mura na ay madali pa itong hanapin.
Picture frame. Bawat isa sa atin ay pinahahalagahan ang mga alaala at sa pamamagitan ng mga litrato ay nasasariwa natin ang nakaraan na tunay na masarap sa pakiramdam.
Ang araw ng Pasko ay araw ng pagbibigayan ngunit huwag din natin kakalimutan na magpasalamat sa mga biyayang natatanggap natin. Tandaan din na hindi nasusukat sa klase ng regalo ang pagbibigay mo ng halaga sa isang tao kundi nasusukat ito sa kung paano mo siya itrato at pagmalasakitan.