Ni Anna Mae Alpuerto
PASYALAN natin ang mga nakatagong ganda ng Palawan gaya ng Isla ng El Nido na matatagpuan sa Mimaropa Region ng South Luzon ng Pilipinas. Humigit kumulang dalawang oras ang byahe patungong El Nido ngunit sulit naman ang mahaba-habang byahe mo dahil maraming magagandang tanawin na hindi pa natutuklasan dito. Tara na at pasyalan ang El Nido.
Isa sa mga Isla ang Miniloc na akala natin na tulad ng pangkaraniwang mga isla na magagandang dalampasigan lamang ang meron ito ngunit lingid sa kaalaman ng lahat ang isla ay may mga tinatagong nakabibighaning tanawin na ngayon lang natin matututklasan.
Sa aming paglilibot sa isla ay may natuklasan kaming malaparaisong lugar sa likod ng mga batong nagmimistulang harang upang maitago ang isang maliit na paraiso. Isang mundo sa likod ng karst rocks sa kabilang panig ay nakatago na kinailangan mo pang paikutin ang iyong katawan tulad ng isang pretzel upang makarating doon. Mahirap at makipot man ang daanan ditto, di mo maaalintana dahil sa kakaibang gandang hatid nito na para bang ikaw ay nasa ibang mundo sa sobrang ganda.
Kabilang sa mga magagandang lugar na mapupuntahan dito sa isla ay ang mga sumusunod.
Secret Lagoon na tawagin nila ay mas maliit pa kaysa sa Secret Beach at ang temperatura nito sa loob ay mas malamig dahil sa mga anino ng limestone cliff na nakapaloob dito. Mababaw lamang ang tubig sa loob nito na masasalamin mo ang magagandang corals at puting buhangin. Isa lamang ito sa mga isla na aming naikot dito sa El Nido. Marami pang mga secretong hatid ang isla ng palawan hindi lamang sa El Nido.
Payong-Payong Beach ay isa sa maraming white sand beach ng Miniloc Island. Tulad ng karamihan sa mga tabing-dagat ng El Nido, ito ay may mga limestone cliff din bagaman hindi kasing taas ng iba ay makikita mo ang ganda ng pagkahulma ng mga bato nito. Gayunpaman ganap na nakakarelaks ang tanawin dito dahil sa ilalim ng lilim ng mga bato habang sa isang gilid ng dalampasigan ay matanaw mo naman ang pinaghalong kulay berde at asul na dagat.
Big Lagoon ay isa rin sa mga sikat at mas paboritong puntahan ng mga bakasyonista na mahilig mag relaks dahil bukod sa magagandang tanawin nito ay madalas din itong dayuhin ng mga divers dahil sa coral reef attraction nito na talaga namang bukod tangi.
Marami pang mga nakatagong isla na hindi pa pamilyar sa mga turista lalo na sa ating mga Pilipino dahil lingid sa ating kaalaman ang Palawan ay isang paraisong natutulog na naghihintay lang na matuklasan ng mga tao. Ang higit isang libong isla dito ay may ibat-ibang maihahandog na angking ganda at likas na yaman. Maganda ring pang family bonding or group activities ang isla ng Palawan dahil sa napakaraming mga magagandang destinasyon ay very educational din ito para sa mahilig sa marine at wildlife welfare, lalo ang very friendly na kapaligiran at ang magiliw na pagtanggap ng mga tao dito. Bukod sa mga beaches, ang mga underwater caves ng Palawan ay isa sa pinaka popular na destinasyon ng mga bakasyonistang dumarayo dito. Kaya wag na maging dayuhan sa sariling bayan tara’t tuklasin ang natural na ganda ng ating bayan.