Ni Maureen Simbajon
ANO ang Adversity Quotient o “AQ”? Ito ay isang sukatan ng katatagan ng isang tao, katulad na lamang ng IQ (Intelligence Quotient) na isang paraan din upang masukat ang katalinuhan ng isang tao. Ang pag-unawa sa iyong Adversity Quotient ay lubos na mahalaga. Ito ay nagsasabi ng marami tungkol sa iyo, kung paano ka humarap sa mga hamon sa buhay at kung paano ka bumabangon sa panahon ng mga pagsubok, mula sa mga maliliit na aberya hanggang sa malalaking dagok na dumarating sa araw-araw.
Ayon kay Paul Stoltz na sumulat na librong Adversity Quotient, “Ang tagumpay sa buhay ay hindi lahat nakabase sa kung gaano kataas ang iyong IQ kung hindi sa iyong abilidad na gawing oportunidad ang kung anumang hadlang na iyong makakaharap para magtagumpay sa buhay.”
Ayon pa dito kapag mas malakas ang AQ ng isang tao, hindi ito basta-basta maaapektuhan ng iba’t-ibang klase ng pagsubok at kahirapan na maaring makasama sa kalusugan at pananaw nito sa buhay. Kapag mas mahina naman ang AQ ng isang tao, mas mahihirapan ito na mapanatili ang lakas, optimismo, at tibay ng loob na kinakailangan upang magamit nang husto ang tinataglay nitong talento.
Ang sinumang may mataas na AQ ay hindi madaling mahihila pababa kapag nahaharap sa mas mahihirap na sitwasyon at magiging mas epektibo ang pagtugon nito sa hamon ng buhay. Ang pagkakaroon ng ganitong kakayahan ay magbibigay ng buhay na sadyang mas kasiya-siya.
Paano masusukat ang Adversity Quotient?
May mga tools online na pwedeng gamitin upang malaman ang Adversity Quotient ng isang tao. Isa na rito ay ang Los Angeles Times online [http://articles.latimes.com/1998/may/18/news/ss-51010] at ang website ni Winston Brill na isang lider pagdating sa pagiging produktibo at pagkamalikhain [http://www.winstonbrill.com/bril001/html/article_index/articles/501-550/article517_body.html]. Puntahan lamang ang mga nakasulat na mga website at sagutin ang mga katanungan upang matukoy ang iyong AQ.
Apat na pangunahing variable ng AQ
Sa karamihan ng mga pagsusulit ng AQ, ang apat na pangunahing variable na napagmasdan ay maibubuod sa salitang CORE (control, ownership, reach at endurance).
- Ang CONTROLay tumutukoy sa kung gaano kalaki ang kontrol ng isang indibidwal sa kahirapan na nararanasan. Sa anu-anong antas maaari nitong maimpluwensyahan ang sitwasyon? Gaano karaming control ang meron ito?
Ang may matataas na AQs ay may higit na control at impluwensiya sa mahihirap na sitwasyon kaysa sa mas may mabababang AQ. Kahit na sa mga sitwasyon na sa wari baga ay napakalaki o hindi abot ng kanilang kamay, ang mga may matataas na AQ ay nakakakita pa rin ng ilang bahagi ng sitwasyon na maaari nilang maimpluwensyahan. Ang mas may mababang AQs naman ay kokonti lamang o wala gaanong control at madalas na ang mga ito ay agad na sumusuko.
- Ang OWNERSHIP o pagmamay-ari ay tumutukoy sa dahilan ng kahirapan at ang kagustuhan ng indibidwal na akuin ang responsibilidad, at gumawa ng mga kinakailangang hakbang upang malampasan ito. Sa anu-anong antas nakikita nito ang sarili na responsable sa pagpapabuti ng sitwasyong nakakaharap? Sa anu-anong antas ito may pananagutan para mapabuti ito?
Ang mga may matataas na AQ ay pinananagot ang sarili sa mga sitwasyong kinakaharap anuman ang dahilan nito. Samantalang ang mga may mas mababang AQ ay kalimitang nililihis ang pananagutan at kadalasan ay kuntento na lang silang maramdaman na sila ay biktima lamang at wala silang anumang magagawa.
- Ang REACHay tumutukoy sa lawak ng naaapektuhan ng problema at kung hanggang saan ito umaabot kagaya ng sa trabaho at pati buhay sa tahanan.
Ang mga may matataas na AQ ay sinisigurong hindi na lalala ang epekto ng pagsubok o hamon sa buhay. Hindi nila pinapayagan na mapahamak ang mabubuting aspeto ng kanilang buhay at trabaho. Sa kabilang banda, ang mga mas may mabababang AQs ay hinahayaan lang na maapektuhan ang ibang mabubuting aspeto ng kanilang buhay.
- Ang ENDURANCEay tumutukoy sa kung gaano tatagal ang problema at ang mga epekto nito.
Hanggang kailan magtatagal ang paghihirap?
Ang mga may mas matataas na AQ ay may kakayahang tumingin nang lagpas sa kahirapan at panatilihin ang pag-asa sa kanilang mga puso kumpara sa mas may mabababang AQ na nakikita ang kahirapan o mga pagsubok sa buhay na tila baga walang katapusan.
Importante na tutukan ang pagtugon sa anumang pagsubok base sa apat na variables na ito, at gawin ang makakaya upang mapalakas at mapabuti ang taglay na Adversity Quotient.
Isang uri ng hakbang na pwedeng gawin ay pansinin ang mga saloobin at kung ano ang mga naglalaro sa isipan, pagkatapos ay piliting iwaksi ang mga negatibo at kawalan ng pag-asa na pilit humihila sa iyo pababa bagkus ay gawin itong estratehiya upang malutas ang mga problema.
Importante rin na mapanatili na malusog ang tiwala sa sarili at siguraduhing limitahan ang mga pagdududa at pag-aalinlangan upang makontrol ang mga pagbabago na kailangang gawin.
Sabi nga nila, hindi mo makokontrol ang mga kaganapan sa iyong buhay ngunit maaari mong kontrolin kung ano ang magiging reaksyon mo sa mga ito.
“Sa tingin ko hindi mo dapat tinitingnan ang kahirapan bilang isang kabiguan. Kailangan mong tingnan ang kahirapan bilang isang pagkakataon upang matuto at maging mas mahusay,” ayon kay Mark Yu, na CFO ng SEAOIL Philippines, Inc.
Ang mga taong may malalakas na Adversity Quotient ay palaging naisasaisip na may rason kung bakit nangyayari ang mga bagay-bagay. Ito ay nakakatulong upang hindi magdulot ng sobrang stress sa katawan at pagkalugmok sa buhay. Isang magandang halimbawa ay ang mawalan ng mahal sa buhay. Kadalasan ito ay magdudulot ng depression sa mas may mababang AQ na maaaring makaapekto sa pang-araw araw nitong tungkulin. Ngunit sa mas may mataas na AQ, sapat na ang magdalamhati ng ilang araw, isaayos ang mga dapat isaayos, at magpatuloy sa buhay bitbit ang mga leksyon na natutunan sa nangyari.
Hindi kailangang manatiling pareho ang pagtugon ng isang tao sa mga pagsubok. Ito ay maaaring mabago. Simulan nang paunti-unti at ito ay kaagad na mapapabuti.
Minsan ang pagtugon sa iba’t-ibang hamon ng buhay ay nakabase sa kung ano ang nakasanayan o nakagawian. Minsan hindi namamalayan na ganito na pala ang nangyayari. Huwag mahiyang humingi ng tulong o payo mula sa mga kaibigan o kakilala base sa kanilang nakikita upang matukoy kung anong klaseng pagtugon ang ginagawa sa iba’t ibang uri ng hamon sa buhay at sa kung anong uri tayo madalas sumasablay.
Sa sandaling matanto at matukoy ito, ay maaari nang simulan ang pagbabago.
Ang AQ din diumano ay may direktang ugnayan sa mental at pisikal na kalusugan. Kung kaya’t importante na panatilihing mabuti ang parehong mental at pisikal na aspeto ng buhay. Ang kontrol ay mahalaga para makamtan ito.
Sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga layunin at pagsunod hanggang sa ang mga ito ay makumpleto kahit ano pa ang maengkwentro, at sa pagbuo ng kakayahang makahanap ng paraan upang magamit at malampasan ang bawat hadlang na makakaharap ay siguradong magpapalakas sa Adversity Quotient ng isang tao.