Ni Cresilyn Catarong
NAKATAKDANG pirmahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang 2021 National Budget sa darating na a-bente otso ng Disyembre.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque kung saan gagawin aniya sa Davao City ang pagpirma sa Php 4.5 trillion na pambansang pondo para sa 2021.
“Nilinaw na ang pagpirma ng budget po ay sa 28th, so mayroon po kasing sinabing petsa ang ating Senate President, pero kahapon po ay nilinaw, 28th ang pirmahan at iyan po ay gagawin sa Davao,” ani Roque.
Dagdag pa ni Roque, simpleng seremonya lamang ang gagawin ng gobyerno.
Sasamahan ang Pangulo ng ilang mambabatas sa ceremonial signing kung saan magkakaroon ng limang kinatawan mula sa Senado at lima rin mula sa Kamara de Representante ng Kongreso.
“Mayroon pong limang mga taga-Kamara de Representantes at limang taga-Senado na dadalo doon sa signing ng budget.”
Nitong Biyernes nang matanggap ng Malakanyang ang kopya ng spending plan.
Inihayag pa ni Roque na gagamitin din ni Pangulong Duterte ang kanyang line-item veto power kung kinakailangan.
Kung maalala, binanggit ng Palasyo na napakahalagang malagdaan ni Pangulong Duterte ang pambansang pondo bago matapos ang taon.
Ito ay upang maiwasan na gumamit ng re-enacted budget sa susunod na taon, lalo’t nakapaloob rin sa 2021 budget ang pondo na gagamitin sa pagbili ng bakuna kontra COVID-19.
Mababatid na nasa P23 billion ang ni-realign ng mga mambabatas para sa rehabilitasyon ng mga komunidad na naapektuhan ng nagdaang malakas na bagyo na tumama sa Pilipinas ngayong taon.