Ni Cresilyn Catarong
AYON kay Presidential Spokesman Harry Roque, binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagsupil sa mga aniya’y teroristang CPP-NPA na naging laman din ng kanyang Talk to the People Address nitong mga nakaraang araw.
Kabilang umano ito sa tatlong prayoridad ni Pangulong Duterte sa natitira nitong higit isang taon sa kanyang termino o eksaktong 18 buwan.
Una nang binatikos ng Presidente ang Makabayan Bloc kung saan partikular na binanggit pa nito si Bayan Muna Party-List Representative Carlos Zarate.
Bukod sa mga rebeldeng komunista, kasama rin sa prayoridad ng Pangulo ang paglaban sa korupsiyon at iligal na droga na hindi rin nawawala sa kanyang lingguhang ulat sa bayan.
Binanatan ng Pangulo ang mga rebeldeng NPA at isinisi sa kanila ang aniya’y hindi pag-unlad ng mga kanayunan.
Idineklara nito na kailanman ay wala nang aasahan pa na tigil-putukan ang NPA sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Una nang iginiit ng Armed Forces of the Philippines na sinasamantala ng mga terorista ang holiday ceasefire at ginagamit ang pagkakataon upang atakehin ang mga sundalo na nagsasagawa ng humanitarian at peace and development missions.
Maliban dito, patuloy pa rin ang mga terorista sa pangingikil at paggawa ng krimen gaya ng pagpatay at panununog.