Ni Arjay Adan
MAAARI nang gamitin ng mga motirista na tutungo at lalabas ng Subic ang mas pinalawak na Subic Freeport Expressway o SFEX ayon kay Public Works Secretary Mark Villar.
Ang bagong daanan na itinayo sa tabi ng SFEX Carriageway ay 92 porsyento nang kumpleto at nakabukas ito sa mga motorista simula kahapon ng Lunes hanggang Enero 15, 2021.
Ani Villar, bagaman mayroon pang kailangang tapusin sa ilang lugar, pansamantala nila itong bubuksan upang mapadali ang biyahe ng mga motorista ngayong holiday season lalo na ang paghahatid ng mga essential goods.
Ang 8.2-kilometer na SFEX ay dumudugtong sa 94-km Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), na nagdudugtong din sa Tarlac-Pangasinann-La Union Expressway.
Matatandaan na sinimulang gawin ang 1.6 billion peso project na ito noong September 2019 ngunit pansamantala itong itinigil noong Marso nang magpatupad ng Enhanced Community Quarantine.