Ni MJ Mondejar
17 kongresista ang nais paimbestigahan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahil sa kulang at sablay na training programs nito.
Ito’y matapos ilabas ng Commission on Audit (COA) ang kanilang annual audit report laban sa TESDA dahil sa mababang bilang ng TESDA graduates ang nakakakuha ng trabaho.
Batay sa House Resolution 1394, kinukuwestyon ng mga mambabatas kung bakit bigo ang TESDA na magawa ang kanilang trabaho na makapagbigay ng kabuhayan sa mga Pilipino sa kabila ng malaking pondo kada taon.
Batay sa COA report, anim lamang sa 100 TESDA graduates ang nakakakuha ng tunay na trabaho.
Batay din sa annual audit report na nasa 75,004 graduates ng Special Training for Employment Program o STEP nitong 2019 ay nasa 2,451 lamang ang nakapagtrabaho o 5.64 percent.
Malayo aniya ito sa target ng ahensya na 65% na employment rate sa mga iskolar nito.
“The employment rate achieved is substantially low compared with the agency’s target of 65 percent of total graduates. Hence, the program failed to attain its objective to promote employment through entrepreneurial, self-employment and service-oriented activities,” ayon sa COA.
Kuwestyunable umano ang mababang performance dahil P2.1- billion ang budget ng STEP noong 2019.
“Thus, the ultimate goal of the program, which is employment, showed an unfavorable rate of only 5.64 percent,” ayon pa sa COA.
Nasilip din ng ang 137,522 available slots ng scholarship program noong nakaraang taon, nasa 111,333 lamang ang nag-enrol nito habang 75,004 lamang ang nakapagtapos.
Sa nasabing bilang ng nakapagtapos, nasa 43,469 lamang dito ang pumasa sa assessment at nabigyan ng ready-to-work certification ngunit mahigit 2,000 lamang ang nakapagtrabaho.
Ang STEP ay isang community-based specialty training program na nagbibigay ng skills training sa mga beneficiaries sa barangay.
Ang STEP scholars ay nakakatanggap ng libreng training, gamit at allowance mula sa pamahalaan.