Ni Champaigne Lopez
ANG mga pagkaing may mataas na antioxidants ay nakakatulong upang tayo ay makapag-isip nang maayos, mapaganda ang balat at nakakapagbaba rin ito ng blood pressure. Dahil ang antioxidant ang naglilinis ng dumi sa ating cells na siyang pumipigil sa pagkasira nito ayon pa kay Propesor Lauri Wright ng University of South Florida.
Narito ang ilang halimbawa ng prutas na may mataas na antioxidants:
Blueberries. Ang Blueberries ay ang nangunguna sa lahat ng prutas na may mataas na antioxidants. Nakakatulong ang pagkain nito upang maiwasan ang pagkakaroon ng kanser, mataas na cholesterol at mga sakit na nakukuha sa pagtanda. Bukod pa dito ay mayroon ding makukuhang vitamins A at C.
Strawberries. Bukod sa matamis at masarap ang strawberries ay may maganda rin itong dulot sa ating kalusugan. Ang antioxidants na matatagpuan sa strawberries ay nakakatulong upang malabanan ang carcinogens o ang cholesterol na nagdudulot ng sakit sa puso.
Oranges. Ang citrus na nakukuha sa orange ay naglalaman ng vitamin C na makakatulong sa pagpapalakas ng ating immune system at pumipigil sa pagkasira ng ating cells. Nakakatulong din ito upang maiwasan ang impeksyon sa tainga.
Mangoes. Kilala ang dilaw na mangga sa taglay nitong vitamin A na siyang nakakatulong upang manatiling healthy at malinaw ang ating mga mata dagdag pa dito ang pagkakaroon ng malambot at makinis na balat.
Grapes. Ang pagkain ng grapes ay dapat ugaliin dahil ang pulang balat nito ay naglalaman ng antioxidant na tinatawag na resveratrol na siyang nakakatulong upang malabanan ang pagsimula at pagkalat ng kanser sa katawan.