Ni Edmund C. Gallanosa
LIKAS na sa tao ang adhikaing makapag-ipon at makapag-libot saan mang bahagi ng mundo na ninanais nilang bisitahin. At sa tulong ng mga modernong transportasyon mas napapadali at napapaigi ang pagbabyahe saan mang destinasyon ang inyong gustuhin, upang maranasan ang iba’t-ibang kultura, tradisyon ng mga tao sa paroroonan, o masulyapan ang angking ganda ng isang lugar.
Subalit, hindi lahat ng lugar sa mundo ay masasabing welcome ang mga bisita o dayuhan. Ang mga sumusunod na lugar ay tinaguriang “unfit for guests” sapagkat kakailanganin ang ibayong tapang, tibay ng dibdib, lakas ng loob, at lalim ng bulsa upang maabot ang mga lugar na ito. “Visitors Unwelcome!” ika nga.
Snake Island, Brazil
Kilala bilang “most terrifying place on Earth,” ang islang IIha de Queimada Grande at tinagurian itong strictly for “researchers at bona fide scientists’s lamang— come at your own risk pa. Mas kilala ito bilang “The Island of Snakes.”
Ilang libong taon na ang nakakalipas, ang IIha de Queimada Grande ay parte ng isang malaking kontinente. At nang magsimulang magkahiwalay ang mga pulo at islang maliliit, lumutang nang papalayo ang isla at doon na magsimulang dumami nang walang humpay ang mga ahas.
Kinakatakutan sa islang ito ang golden lancehead (bothrops insularis), isang uri ito ng viper. Dahil na rin siguro sa isolation ng mga ahas, ang golden lancehead ay nakadevelop ng venom na papatay sa huli nito antimano—kung kaya naman labis na kinakatakutan ang islang ito.
Dati itong lighthouse noon, subalit inabandona ito nang lumaki na ang populasyon ng mga ahas, at nang mamatay ang huling lighthouse caretaker nito at ang kaniyang pamilya dahil sa kagat ng ahas. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagdaong sa nasabing isla. Subalit kung nanaisin puntahan, katakot-takot na permit ang inyong kakailanganin, dasal at swerte na huwag matuklaw ng alin man sa libo-libong ahas na nasa islang ito.
North Sentinel Island, India
Matatagpuan sa Bay of Bengal, ang North Sentinel Island na sakop ng pamamahala ng India. Itinuturing itong pinaka-isolated at marahil, pinaka-mapanganib na isla sa buong mundo. Hindi dahil sa layo nito na papalaot sa parte ng Indian Ocean, kundi dahil na rin sa mga nakatira ritong tribo kung tawagin ay Sentinelese. Walang makadaong na bangka dito sapagkat pinapaulanan ng pana at sibat ng mga Sentinelese ang sinomang mangahas na dumaong sa kanilang isla.
Taong 2006 nakilala ang bangis ng mga Sentinelese nang patayin nila ang dalawang mangingisdang bumaybay malapit sa kanilang isla. Nang subukan ng mga Indian Coast Guard ang retrieval operation, inulan ang kanilang retrieval helicopter ng pana kaya hindi nila nabawi ang mga bangkay. Tinatayang nasa 50 hanggang 400 na katao ang dami ng tribong ito.
Pinaniniwalaang ang Sentinelese ay hindi marunong magtanim, nabubuhay lamang sa pangangaso sa gubat at pamamana ng isda sa dagat, kumakain ng hilaw na karne at isda, at hindi marunong gumawa ng apoy. Idineklara ng Indian Government ang “No Trespassing” ang area tatlong milya ang layo papaikot ng isla.
Poveglia, Italy
Isa itong historical island na matatagpuan sa pagitan ng Venice at Lido. Ang real-life Shutter Island, noong 18 siglo ginawa itong sanitarium kung saan ikinukulong ang mga carrier ng bubonic plague. Daan-daang tao ang nakulong dito subalit hindi na gumaling, nangamatay at sinunog ang kanilang mga katawan. Taong 1922 naman, ginawa itong isang mental hospital kung saan naiulat na torture-prone pala ang doctor-lobotomist dito at daan-daan din ang kaniyang pinahirapan, pinag-eksperimentuhan at pinatay.
Ang isla ngayon ay totally off limits sa mga turista subalit sa may mga nangangahas na makatuntontong sa isla, hindi naman ito magiging sanhi sa paglabag sa batas na maaari ninyong ikakulong o mabigyan ng kaso. Good luck na lamang po na makakuha ng maaarkilang bangka papunta sa isla, sapagkat ito ay lubos ding kinakatakutan ng mga lokal na bangkero.
Special Mention naman ang mga sumusunod:
Cayo Santiago, Monkey Island, Puerto Rico—dahil sa mga rhesus monkeys na inilagay dito noong 1938 bilang experimental animals at mga may taglay na Herpes B virus. Walang pinapahintulutang dayuhan ang maaaring tumuntong sa islang ito, lalo na ang makipagsalamuha sa mga unggoy.
Heard Island, Territory of Australia—dahil sa araw-araw na volcanic activity dito, at lubhang mapanganib na klima. Aabutin ng dalawang linggo ang byahe dito mula sa Australia, at kung papalaring makatuntong sa isla, asahan ang mabilis na pagbago ng klima mula sa walang humpay na ulan, snow at glaciers.
Gruinard Island, Territory of Great Britain—binili ng Great Britain ang islang ito mula sa Scotland upang maging testing ground ng mga biological warfare chemicals tulad ng Anthrax, bago pa man sumiklab ang ikalawang digmaan. Bagama’t idineklara na itong “safe and fit to be inhabited,” at your own risk na lamang ang tumuntong sa islang ito dahil sa pinangangambahang traces ng mga naiwang chemicals mula pa ng dekada ’40.