Ni Champaigne Lopez
ANG pag-aayos sa sarili ay mahalaga, lalo na sa trabaho, eskwelahan at pag-attend ng iba’t-ibang okasyon. Bukod sa kaakit-akit tignan ay nagkakaroon din tayo ng kumpiyansa sa sarili at ayon sa mga eksperto, mas nakakapagtrabaho tayo nang maayos.
Malaki ang naitutulong ng self-confidence sa atin dahil bunga nito, tayo rin ay nagkakaroon ng tiwala sa ating abilidad at kakayahan. Makakapag-perform tayo nang maayos dahil komportable tayo sa sarili natin, may tiwala at alam natin ang ating ginagawa.
Malaki ang naitutulong ng pag-aayos ng sarili sa pagtratrabaho lalo na kung nag-aapply pa lamang. Bukod sa kwalipikasyon, malaki ring factor ang itsura dahil kung malinis at maayos kang tignan ay malaki rin ang tiyansa mo na matanggap sa trabahong gusto mong pasukan, lalo na kung ang trabahong ito ay humaharap sa mga tao. Sa katunayan maraming kumpanya ang humahanap ng taong may pleasing personality bukod sa magaling sa pagsasalita nakakadagdag din ang itsura. Bukod dito ay marami ring oportunidad ang bukas sa taong presentable.
Hindi kinakailangang guwapo o maganda ang pinakamahalaga ay ang personalidad na inihaharap sa madla. Laging tandaan, mahalaga ang proper hygiene, pagdadamit nang maayos at naangkop sa okasyon at lugar na paroroonan.