Ni Arjay Adan
SINABI ng lokal na pamahalaan ng Baguio City na ibabahagi nito ang mga sobrang COVID-19 vaccine nito sa mga kalapit nitong komunidad sa probinsya ng Benguet.
Ang syudad ay magkakaroon ng 380,000 doses ng bakuna kontra COVID-19 mula sa isang British Pharmaceutical Firm na AstraZeneca.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, tatlong bayan sa probinsya ng Benguet ang nakakuha ng kaparehong negosasyon para sa mga bakuna na ginawa ng AstraZenaca at Oxford University.
Ang mga residente ng Baguio ay makikinabang din sa 10,000 doses ng bakuna na ido-donate ng mga miyembro ng local chapter ng Chamber of Commerce and Industry, at 13,000 doses pa mula sa locators ng Baguio City Economic Zone at dagdag na 10,000 doses pa mula sa isang pribadong kompanya na ido-donate naman sa syudad.
Ani Magalong, nag-alok ang mga pribadong kompanya na dodoblehin ng mga ito ang bakunang bibilhin para sa mga empleyado nito kung kaya’t ang iba ay mapupunta sa mga residente ng Baguio.
Kung makakakuha ang syudad ng sobrang suplay ng bakuna matapos nitong mabakunahan ang target population nito ay ibabahagi ani Magalong ang sobra sa mga kalapit na komunidad at sa buong Cordillera.
Ang Baguio City na may populasyong 370,000 ay isa sa mga priority areas ng vaccination program dahil sa mataas na COVID-19 transmission rate nito.