Ni Pat Fulo
SA gitna ng nararanasang pag-taas ng presyo ng baboy at manok sa mga pamilihan sa kabila ng pandemya, pag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang pagtalaga ng price ceiling para sa baboy at manok sa bansa.
Sinabi ni DA Usec, Ernesto Gonzales, layon nito na mapigilan ang sobra-sobrang patong sa presyo ng mga traders.
Inihalimbawa nito ang farm gate price ng baboy ngayon na nasa 230-250 kada kilo lamang ngunit ibinebenta ng nasa 400 piso kada kilo sa ilang palengke.
Gayunman, nilinaw ni DA Asec. Kristine Evangelista na kinakailangan ng masusing pag-aaral sa paglalagay ng price ceiling at ang pag-iingat na hindi masyadong maging mababa ang itatalagang presyo.
Dapat aniyang tignan ang buong value ng chain at makahanap ng balance kung saan hindi malulugi ang mga magsasaka at hindi aaray sa presyo ang mga mamimili.