Ni Melrose Manuel
NARARAPAT lang na maging wasto ang pagkilos, pananamit, pananalita at paninindigan ng mga kababaihan. Alamin at magmuni-muni kung ikaw ba ito o wala ka sa listahan.
PAGKILOS
Kumilos nang may paggalang sa sarili sa lahat ng pagkakataon at siguruhing kapitapitagan ang lahat ng iyong galaw saan ka man naroroon. Ang iyong katawan ay hindi dapat makatawag pansin upang hindi makaakit nang seksuwal sa mga kalalakihan. Lumakad nang maayos at may wastong tikas at umupo nang magkadikit ang mga hita at tuhod upang hindi mapansin ang mga kasuotang panloob.
PANANAMIT
Ayon sa sikat na manunulat na si Jason Evert, “When a woman veils her body in modest clothing, she is not hiding herself from men. On the contrary, she is revealing her dignity to them.”
Magsuot ng damit na bagay sa iyo ang kulay at disenyo. Iwasan ang pagsuot ng maninipis na damit na nakikita o nababakas ang mga kasuotang panloob, mga malalalim ang leeg o litaw ang tiyan at dibdib o walang manggas. Magsuot ng palda na may katamtamang iksi. Ang pantalon ay di dapat hapit sa katawan. Ang hindi wastong pananamit ay nakatatawag ng masamang kaisipang maaaring maging dahilan nang hindi paggalang sa iyo.
PANANALITA
Dapat maging magalang at mapili sa pananalita kung nakikipag-usap sa kapwa, matanda man o bata. May mga paraan ng pagsasalita na nakatatawag pansin at ang kasunod noon ay paglait at di paggalang sa iyong pagkababae. Ang pagtawa nang sobrang lakas partikular sa pampublikong lugar ay nakakawalang respeto sa isang babae.
GOOD MANNERS AND RIGHT CONDUCT
Ang manners ay ang pinaka importante sa lahat. Kahit simpleng paggalang o paggamit ng po at opo, please at thank you ay nakakataas sa dignidad ng isang babae. Dapat din irespeto ang opinion ng iyong kasamahan at huwag babarahin kahit ikaw ang mas nakakaalam sa kanila.
PANININDIGAN
Ang pagkakaroon ng prinsipyo sa buhay ay dapat magsimula sa murang isipan upang maging gabay sa pagpapahalaga sa dangal ng buhay.
Tandaan na ang respeto ng tao lalo na sa nakapaligid o araw-araw mong kasama, ay nanggagaling una sa iyong ipinapakita na ugali at pagdala ng iyong sarili gaya ng mga halimbawang nabanggit na. Ang pagiging marespeto rin sa kapwa ay nagbibigay ng senyales sa kanila na ikaw ay dapat ding respetuhin hindi lamang bilang isang babae bagkus bilang isang matuwid at may dignidad na tao.