Ni Karen David
HIHINGI na ng tulong ang Department of Health (DOH) sa National Bureau of Investigation (NBI) para mahanap ang dalawa pang pasahero na nakasabay sa flight ng Pinoy na nagpositibo sa UK COVID-19 variant.
Hanggang ngayong Biyernes, na-trace na at na-isolate ang lahat ng 213 identified contact ng 29-anyos na lalaki maliban sa natitirang dalawa.
Sa online press briefing, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kagabi ay nahanap na ang isa pang contact na taga-region 7 sa tulong ng PNP.
Ayon kay Vergeire, ibibigay nila ngayon sa NBI ang mga pangalan ng natitirang pasahero.
Sinabi ng DOH official na ang dalawang untraced passengers ay nagbigay ng kulang na contact details at mga address sa kanilang flight manifest dahilan para mahirap matunton ang mga ito ng contact tracing teams.
Samantala, sinabi ni Vergeire na inaasahang ilalabas bukas ng Philippine Genome Center (PGC) ang resulta ng whole genome sequencing ng mahigit sampung contacts ng UK variant case na nagpositibo sa COVID-19 kung mayroon din ang mga ito ng bagong COVID-19 variant.