Ni Kristel Guangco
MAGLULUNSAD ng massive information campaign ang Department of Health (DOH) upang hikayatin ang publiko na magpabakuna kontra COVID-19.
Ito ang isinaad ni Health Secretary Francisco Duque III nitong Lunes sa Senate hearing matapos itong matanong kung paano tutugunan ng DOH ang mababang porsyento ng mga Pilipino na kumpyansang magpabakuna.
Nakikipagtulungan na aniya ang DOH sa Philippine Information Agency at sa iba pang mga organisasyon upang makagawa ng mga videos na magpapaliwanag sa kaligtasan at bisa ng mga bakunang gagamitin sa bansa.
Isasapubliko rin ani Duque ang mga proseso ng pagpili ng bakuna.
Base sa resulta ng Pulse Asia survey, 32% ng mga Pilipino lamang ang handang magpabakuna. Sa survey naman ng OCTA Research lumalabas na isa lamang sa apat na residente ng Metro Manila ang payag na magpabakuna.
Ayon sa ahensya, bagama’t walang pruweba na kaugnay sa kamatayan ng maraming kabataan ang dengue vaccine na Dengvaxia, ngunit naging dahilan ito upang higit na bumaba ang kumpyansa ng publiko sa mga bakuna.