Ni Terrijane Bumanlag
KUNG magaling kang mag alaga sa iyong katawan ang edad ay isang numero lamang at hindi ito makikita sa iyong itsura at pangangatawan dahil ikaw ay malakas pa at walang ini-inda na anomang malubhang karamdaman.
Sa edad na 60 hindi pa huli ang lahat para alagaan mo ang iyong sarili at maging malusog.
Para maging malakas at maayos ang pangangatawan, kailangan maging positibo ang iyong pananaw sa buhay at maayos ang iyong pag-iisip at pakiramdam sa sarili.
UGALIIN NA MAG EHERSISYO kahit tatlong beses lang sa isang linggo pero dapat na naayon sa iyong pangangatawan at kakayahan ang klase ng mga ehersisyo na iyong gagawin. Maaring simulan mo ito sa paglalakad tuwing umaga o di kaya ay maglakad-takbo kasama ang iyong alagang aso sa malapit na parke o di kaya ay sa labas ng iyong bakuran.
KUMAIN NG MARAMING GULAY NA KULAY BERDE AT IBA’T-IBANG KLASE NG PRUTAS araw araw na mayaman sa protina, vitamin C at calcium na pampatibay ng buto.
Makihalubilo sa mga tao o lumabas kasama ang mga kaibigan at mamasyal o di kaya ay kumain sa labas at makipagkwentuhan sa mga usapin na nais ninyong talakayin.
Ang pakikisalamuha at pakikipag kuwentuhan sa iba lalo na sa mga mahal sa buhay gaya ng iyong kaibigan o pamilya ay nakakapagpatalas ng isipan at nakakapagpalakas ng puso. Iwasan ang pagkain ng mga processed na pagkain na mataas sa fat at sugar. Huwag uminom ng alak at manigarilyo.
MAGLARO NG CROSSWORD PUZZLE o kahit ano na makakapag-patalas ng iyong pag-iisip. Huwag hayaan na mabakante ang iyong utak, maiiwasan ito sa pamamagitan ng kuryusidad sa mga bagay bagay na makakakuha ng iyong interes.
Para masigurong ligtas sa anumang sakit na dala ng pagtanda sundin ang mga sumusunod:
MAGPATINGIN SA DOCTOR sa lagay ng iyong puso, baga at dugo, mas maganda na magpa-general check-up para malaman mo ang bawal at hindi bawal sayo.
Huwag mahihiyang magtanong o humingi ng tulong kung mayroon kang gustong malaman at kailangan.
Sa iyong cellphone MAGLAGAY KA NG ICE O IN CASE OF EMERGENCY at i-save ang pangalan na may nakalagay na pamilya, para kung sakaling may mangyaring aksidente sayo ay agad na malalaman ng unang tutulong sayo kung sino ang kokontakin sa iyong cellphone.
MAG-INGAT SA PAG-AKYAT NG MATATAAS NA HAGDAN o di kaya ay pag akyat baba sa mga pampublikong sasakyan kung mahina na ang iyong tuhod at bibiyahe na walang kasama.
Kung may sariling sasakyan, HUWAG KALIMUTAN NA GUMAMIT NG SEATBELT AT MAGSUOT NG SALAMIN kung may kalabuan na ang mga mata.
Ipagbigay alam sa iyong pamilya o doktor kung may naobserbahan kang kakaiba sa iyong sarili maging sa katawan man ito o pag-iisip gaya ng pagiging malilimutin o wala sa sarili o di kaya ay sobrang nalulungkot at hindi alam kung bakit.
Unawain o i-master ang iyong emosyon, walang sinuman ang gustong makasama ang taong mainitin ang ulo at hindi maintindihan ang ugali.