Ni Claire Robles
HINAMON ni Defense Secretary Delfin Lorenzana si Communist Party of the Philippines o CPP Founding Chairman Joma Sison sa terror threats nito kasunod ng umano’y pagdedeploy ng tinatawag na partisan units ng mga rebelde na hahabol sa pwersa ng gobyerno.
Sa pahayag ni Lorenzana, mas handa ngayon ang Armed Forces of the Philippines kumpara noong unang panahon, bukod pa sa suporta ng taumbayan sa labang ito.
Idinagdag din ni Lorenzana na ang naturang kautusan ng CPP na pagpapadala ng partisan units ay isang kumpirmasyon sa pagtawag dito ng Anti-Terrorism Council bilang isang teroristang organisasyon.
Nangako si Lorenzana na tatapusin na ng gobyerno ang limampu’t dalawang taong kasiraan, takot at karahasan na idinulot ng rebeldeng NPA sa taumbayan.