Ni Karen David
NAGSAGAWA ngayong araw ang city government ng Valenzuela ng dry run para sa kanilang COVID-19 vaccination rollout sa Malinta Elementary School, isa sa 17 designated vaccination area sa lungsod.
Sinabi ni Mayor Rex Gatchalian, aabot lang hanggang 15 minuto ang proseso ng pagbabakuna at panibagong 30 hanggang 45 minuto para sa post-vaccination stage kung saan susuriin ang recipients sa posibleng side effects.
Matapos ang pagbakuna sa mga residente, tatanggap ang mga ito ng VCVax passport kung saan nakalagay kung kailan sila nagpabakuna at kailangan ang kanilang second vaccine.
Bilang information campaign din ng lungsod, tatanggap ang recipients ng pin button na may nakasulat na “Bakunado na ako. Tayo na para sa ligtas na Valenzuela.”
Sinabi ni Gatchalian na target nila na makapagbakuna ng 3,000 katao kada araw kung saan tatlong teams ang itatalaga kada designated site.
Una nang naka-secure ang Valenzuela ng 640,000 doses ng COVID-19 vaccines mula AstraZeneca kung saan nasa 70 porsyento ng populasyon ng lungsod ang sakop nito.
Samantala, sinabi ng alkalde na nasa 4,000 residente na ang nagparehistro sa kanilang VCVax para sa inoculation.