Ni Cresilyn Catarong
“SUPER SPREADER”, ito ang pahayag ng ilan sa ginawang Traslacion sa Maynila nitong nakaraang linggo kung saan nirerespeto umano ito ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.
Sa isang social media post, inihayag ni Dr. Tony Leachon na ang Black Nazarene event ay maikokonsiderang potential “super spreader”.
Sagot naman ngayon ni Mayor Isko, iginagalang nito ang demokrasya ng paglalahad ng kani-kanilang saloobin tungkol doon sa naganap na Traslacion.
Subalit, ayon sa alkalde, hindi nagsisinungaling ang datos.
“I respect his views but our data doesn’t lie, well that is pure so called democracy.”
Pero una rito, tinuligsa ng alkalde ang umano’y ipinakakalat ng ilang indibidwal at grupo na bigo ang lokal na pamahalaan ng Maynila na ipatupad ang mga safety protocols sa ginanap na Traslacion.
Ipinakita pa ni Domagoso ang aktwal na kuha ng mga closed-circuit television footage o CCTV sa loob ng Simbahan ng Quiapo at bisinidad nito bilang patunay na nasunod ang physical distancing at napanatili ang disiplina sa mga Manileño sa gitna ng naturang event.
Dagdag pa ng alkalde, batay sa 48-oras na pagmomonitor ng city hall ng Maynila na nagtapos ng hatinggabi ng Sabado, ang bilang ng mga dumalo sa pagdiriwang ay nasa 278,000 pataas.
Pero Sambit ni Mayor Isko, bagama’t posibleng umabot sa 400,000 ang mga debotong lumahok sa pagdiriwang, ito’y sa kabuuan na.
Taliwas sa ulat na sabay-sabay ang bilang na dumating sa palibot ng Minor Basilica sa Quiapo.
Sa mga nakalipas na taon, umaabot sa tatlo hanggang apat na milyon ang dumadalo sa Traslacion.
Gayunpaman, inihayag ng alkalde na dapat matutunan ng mamamayan na mamuhay kasama ng coronavirus na may pag iingat at pagsunod sa health protocols kasabay ng pagbubukas ng ekonomiya.