Ni Champaigne Lopez
AYON sa mga psychologist, ang sapatos ang unang napapansin kapag tinitignan tayo ng ibang tao. Kaya naman lamang na sa kabuuan ng pananamit, siguraduhing bagay ang sapatos na susuotin.
Narito ang ilang paalala na makatutulong sa pagpili ng sapatos:
Maging mapanuri
Katulad sa pagpili ng damit, dapat din maging mapanuri sa pagpili ng sapatos.
Bago gumastos sa bagong pares ng sapatos, suriin ang kalidad ng binibili, kung ito ba ay tatagal o hindi. Mas maigi nang mag-invest sa mas mahal nang kaunti kesa sa isang pares na hindi na tatagal pasasakitin pa ang iyong mga paa.
Inspeksyunin mabuti ang materyales ng sapatos, ang loob nito, ang pagkakatahi nito at ang dikit ng swelas. I-bend ito para malaman kung ito ay supple enough. Mahalaga ito, dahil habang gamit ang sapatos, ang movement ng paa ay hindi dapat constricted.
Ugaliing maging mapanuri nang sa gayon ay magamit mo ang sapatos nang matagal at maalwan sa iyong pakiramdam at hindi masayang ang pera mo sa pagbili nito.
Huwag pumili ng masikip na footwear
Alamin kung sukat ba ang sapatos sa iyong paa, dahil kung ito ay masakit sa’yo huwag na itong bilhin upang maiwasan ang problema sa kalaunan.
Pumili lagi ng sapatos na hindi masikip upang maiwasan ang pagkakaroon ng calluses, skin hardening at mga kalyo. Posible ka ring magkaroon ng injury dahil sa pagsuot ng masikip o masyadong maluwag na sapatos o maging sanhi ito ng impeksyon.
Huwag paniwalaan yung sabi-sabi na kailangan i-break-in ang sapatos pag bago ito. Mali. Bago mo ma-break-in ang sapatos, dumanas ka na ng sakit na hindi naman kailangan.
Makabubuti rin na bumili ng bagong sapatos sa bandang hapon kung kailan ang paa ay nag-expand na nang kaunti sa mga oras ng paglalakad o pagkakatayo. Hindi advisable na bumili ng sapatos sa umaga.
Tunay na mas maiging mamili ng sapatos na sakto sa iyong paa. At huwag kalimutan, pumili ng sapatos na may matibay at makapal na suelas. Marami na ring fashionable footwear na may rubber soles na magaan at makadaragdag sa comfort ng iyong mga paa. Ang tamang sapatos ang tiyak na maghahatid sa iyo sa pupuntahan nang maayos at walang kasaki-sakit.
Mag research
Huwag mamili ng sapatos sa iisang tindahan lamang. Tumingin sa iba’t-ibang mga bilihan nito upang malaman mo kung saan ka makakabili ng pinakamaayos na pares ng sapatos na naaayon sa iyong budget. Mapapansin mo sa paglilibot na may mga magkakaparehong sapatos na iba-iba ang presyo dahil iba-iba rin ang tindera at supplier ng mga ito. Maghanap at magtanong tanong pa sa ibang kakilala nang sa gayon ay marami kang pagpipilian at makahanap ka rin ng sapatos na hindi masakit sa bulsa, magaang dalhin at higit sa lahat komportable.