Ni Karen David
AARESTUHIN ang mga hindi susunod sa health and safety protocols sa kasagsagan ng kapistahan ng Itim na Nazareno bukas, Enero 9.
Ito ang babala ni Manila Police District (MPD) Chief Police Brigadier General Leo Francisco sa mga deboto na hindi mapagsasabihan na sumunod sa mga protocol.
Ayon kay Francisco, magdedeploy ng mga bus mula Bureau of Jail Management and Penology para magsilbi bilang temporary detention facility sa mga lalabag.
Una nang sinabi ng National Capital Region Police Office na hindi maaring dumalo sa aktibidad ang mga indibidwal na 15 anyos pababa at 65-anyos pataas sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ipinagbabawal din na dumalo dito ang deboto na walang suot na sapin sa paa.
Mahigpit rin ang paalala ng pulisya sa mga deboto na magsuot ng face masks at face shields at panatilihin ang social distancing bilang preventive measures laban sa COVID-19.
Samantala, ipatutupad ang liquor ban sa Metro Manila simula mamayang hating gabi ng Biyernes bilang bahagi ng seguridad ng selebrasyon.
Ito ang inanunsyo ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Brigadier General Vicente Danao Jr.
Ayon kay Danao, mahigit 7,000 na pulis ang idedeploy para magbantay sa aktibidad.
Pinaalalahanan naman ng pulisya ang mga deboto na ipinagbabawal ang pagdadala ng backpacks, colored cannisters at deadly weapon.