Ni Vhal Divinagracia
PINABULAANAN ni Metro Manila Development Authority or MMDA EDSA Traffic Head Bong Nebrija ang umano’y report na isa ang Pilipinas sa may pinakamatinding traffic sa buong mundo.
Sa panayam ng Sonshine Radio, sinabi ni Nebrija na hindi nya alam kung saan kumuha ng datos ang ulat mula sa numero lalo pa’t naka ECQ lockdown ang Metro Manila halos buong taon ng 2020.
Base sa ulat, pang-siyam ang Pilipinas sa ‘worst in the world’ mula sa walumput isang bansa na kanilang isinama sa survey.
Dahil dito, ang Pilipinas ang tinaguriang pinaka may malalang traffic sa buong Southeast Asian countries.
Ani Nebrija, kung ang pinag-babasehan ng 2020 traffic index na ito ay sa panahong inimplementa ang EDSA busway, inamin naman nito na medyo nagkakaroon talaga ng congestion pero sana’y hindi naman ito gawing dahilan para ikonsiderang may worst traffic ang bansa.
Ibinahagi rin ni Nebrija na hindi pwedeng ikumpara ang Metro Manila sa syudad ng ibang bansa dahil marami itong nakapaloob pa na mga munisipalidad at syudad.
Samantala, hindi naman isinantabi ni Nebrija ang posibilidad na pwedeng pinaghalong sitwasyon na ng traffic sa buong bansa ang nasabing resulta dahil may mga traffic congestion naman ding nangyayari sa iba pang major cities.
Kabilang pa ang misbehaviors ng drivers at illegal parking sa gilid ng EDSA.