Ni Vic Tahud
NAGBABALA ang University of the Philippines OCTA Research sa posibleng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) sanhi ng mga social gathering sa panahon ng holidays.
Ayon pa sa OCTA Research, maaring nasa bansa na ang bagong variant ng COVID-19 mula sa United Kingdom at ang mga selebrasyon gaya ng Feast of the Black Nazarene ay posibleng maging dahilan ng pagkalat nito.
Kabilang sa mga rekomendasyon ng OCTA Research ay ang patuloy na COVID-19 testing, contact tracing, mas palakasin pa ang kapasidad ng sistema ng pangkalusugan, pabilisin ang pagbili ng COVID-19 vaccine at umpisahan na sa lalong madaling panahon ang immunization program.
Ayon sa ahensiya, dapat gawan ng paraan ng gobyerno ang sitwasyon sa NCR upang mapigilan ang patuloy pa na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa ngayon, ayon sa pag-aaral, mula Enero 4-10, ang Quezon City pa rin ang nananatiling may pinaka-maraming kaso ng naturang virus sa Metro Manila.
Samantala, ang Marikina naman ang may pinaka-mataas ng positivity rate. Ito ay tinaguriang “LGU of concern matapos tumaas ang daily cases sa 25 mula 11 noong mga nakaraang linggo.
Sa kabilang banda, sinabi ng representative ng World Health Organization to the Philippines na hindi maiiwasan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa matapos ang holidays season at ang Pista ng itim na Nazareno.
Sinabi ni Rabindra Abeyansinge na ang physical distancing na ipinapatupad ay hindi nasunod noong holiday season at sa kalagitnaan ng selebrasyon ng Pista ng itim na Nazareno sa Manila kung saan nagsiksikan ang mga deboto nito upang mabasbasan at makatanggap ng communion.
Noong Lunes lamang nang makaranas ang bansa ng three-week high ng COVID-19 cases na naitala sa isang araw kung saan sinabi ng Department of Health na mayroong bagong 2,052 kaso ng virus.