Ni Vhal Divinagracia
MAINAM na binuwag ng Department of National Defense ang 1989 UP-DND accord ayon kay former CPP-NPA Cadre Jeffrey Celiz o mas kilala bilang Ka Eric sa panayam ng Sonshine Radio.
Matatandaan na ang 1989 UP-DND accord ay isang agreement sa pagitan ng University of the Philippines at Department of National Defense kung saan pinipigilan nito ang panghihimasok ng mga militar sa UP kung wala itong paunang notice na ipapasa sa administrasyon ng paaralan.
Nag-ugat ang nasabing agreement noong 1982 na kilala bilang Soto-Enrile accord dahil sa martial law na ipinapairal noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at ito aniya ang nagsisilbing proteksyon sa mga estudyante mula sa karahasan ng pamahalaan.
Nakakatulong din ito para mas maging malaya umanong maipahayag ng mga kabataan ang kanilang saloobin laban sa pamahalaan sa panahong Marcos.
Mas naipagtibay pa ito noong 1989 na syang naging UP-DND accord matapos isang staffer ng UP campus na si Donato Continente ay inaresto ng mga sundalo at pulis.
Napaulat si Continente na tinorture at pinilit na pinaamin sa kasalanang hindi nya ginawa.
Subalit ayon kay Ka Eric, ito naman ang naging dahilan kung bakit malayang pinamumugaran ng makakaliwang grupo ang unibersidad.
Dagdag pa ni Ka Eric, mas mainam na rin na buwagin ang mismong UP administration dahil karamihan sa mga pinuno nila ay kaanib ng makakaliwang grupo.