Ni Karen David
IREREKUMENDA na rin ng Department of Health sa Inter-Agency Task Force at Office of the President na isama ang United Arab Emirates o UAE sa travel restriction ng Pilipinas.
Ito ay matapos magpositibo sa UK COVID-19 variants ang isang Pinoy na taga-Quezon City na nanggaling sa Dubai.
Sa virtual press briefing ng DOH, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na pormal na hihilingin ng ahensya na mapabilang ang UAE sa travel ban para sa mga dayuhang pasahero.
Tiwala naman si Duque na aaprubahan ito ng Office of the President gayunman, hihintayin pa rin aniya nila ang pasya nito.
Sa ngayon, sinabi ng kalihim na pinaiiral na ang mahigpit na protocol hindi lamang sa mga pasaherong galing sa mga bansang sakop ng travel restrictions.
Samantala, ipaaabot rin aniya sa IATF ang posibilidad na pagpapatupad ng mandatory completion ng 14-day quarantine para sa lahat ng biyahero na pumapasok sa bansa.