Ni Karen David
SINIMULAN na ang initial orientation ng local government unit (LGU) ng Antipolo City sa kanilang mga health workers para sa COVID-19 vaccination rollout.
Target ng LGU na mapabakunahan ang 500,000 nilang residente kabilang ang 90,000 na mga bata na may edad 0 haggang limang taong gulang.
Ayon sa city health officers, target ng Antipolo LGU na magdeploy ng 200 hanggang 500 COVID-19 vaccine teams na binubuo ng city health doctors, nurses, midwives, government hospital workers, barangay health workers, nutrition scholars at encoders.
Tinukoy na rin ng city health office ang mga posibleng vaccination sites gaya ng barangay covered courts, chapels, national high schools o universities, malls at clubhouses.
Sinabi ni Dr. Concepcion Lat, Antipolo’s City Health Officer, magtatayo rin ang lungsod ng Adverse Events Following Immunization Monitoring (AEFI) site na pangangasiwaan ng 40 na mga doktor para sa mga magpapakita ng unusual o severe side effects ng COVID-19 vaccine.
Binigyan-diin ni Lat na mahalaga ang triage at screening para matiyak na walang sintomas at walang recent exposure sa isang COVID-19 patient ang indibidwal na tatanggap ng bakuna kontra COVID-19.