Ni Cresilyn Catarong
INIHAYAG ng Malakanyang na nirerespeto nito ang pagsusulong ng Kongreso ng Charter Change. Sa gitna nito, may haka-haka na ang Cha-Cha ay inisyatiba para palawigin pa ang termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Pero giit ng Malakanyang, tsismis lamang ito.
Pero, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa isang pulong balitaan na ang usaping Charter Change ay hindi prayoridad ni Pangulong Duterte sa ngayon.
Bagkus, kasalukuyang pinaka-prayoridad ng presidente ay walang iba kundi ang pagtugon sa nararanasang pandemyang COVID-19 partikular ang usaping pagbili ng bakuna.
“So nirirespeto po natin iyan at sa ngayon po ang number one priority natin ang COVID-19 lalung-lalo na ang usaping vaccine. So wala pong ibang top priority ang Pangulo kung hindi matapos po itong pandemyang ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng bakuna sa ating mga kababayan,” ayon kay Roque.
Gayunpaman, ani Roque, hindi na kailangan pa ng basbas mula kay Pangulo kung isusulong nitong muli ang Cha-Cha dahil constitutional prerogative ito ng Kongreso.
“Alam ninyo po hindi naman kinakailangang bigyan ng basbas ng Presidente iyan – iyan naman po’y katungkulan talaga ng Kongreso. Tanging Kongreso lang po ang pupuwedeng magsimula ng proseso para sa Charter Change, hindi po ang Presidente,” ani Roque.
Samantala, walang balak si Pangulong Duterte na manatili sa pwesto pagkatapos ng kanyang termino sa 2022.
Ito ang tugon ng Malakanyang kasunod ng mga agam-agam sa social media na ang isinusulong na Charter Change sa Kongreso ay para sa inisyatibang pagpapalawig pa ng termino ng Pangulo.
Paglilinaw ni Roque, tsismis lang ang naturang isyu.
“Wala pong katuturan iyang mga tsismis na iyan. Tsismis lang po iyan. The President has made it clear, wala po siyang kahit anong kagustuhan na manatili ng isang minuto man lang beyond his term of office on June 30, 2022,” dagdag pa ni Roque.
Una rito, inihayag ni AKO-Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin, chairman ng House Committee on Constitutional Amendments, na nakatakda silang magsagawa ng pagdinig hinggil sa Cha-Cha sa Enero 13.
Pero pagtitiyak ni Cong. Garbin na sesentro lamang ang usapin sa mga “restrictive” economic provision ng Saligang Batas.
Kinumpirma rin ni Garbin na may basbas na ni Speaker Lord Allan Velasco ang pagsisimula ng deliberasyon sa ilang probisyon ng 1987 Constitution.
Sa kabilang banda, binatikos ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang mga mambabatas na nagsusulong muli ng amiyenda sa Saligang Batas, sa gitna ng nararanasang health crisis sa bansa.
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni VP Robredo, kataka-taka na sa gitna ng mga hinaharap na problema ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic, ay nagawa pa rin aniyang isingit ng ilang opisyal ang hindi naman napapanahong hakbang.
Giit ni Gutierrez, aksaya lamang sa oras ang magiging deliberasyon ng Kongreso sa Charter Change, dahil mas maraming isyu ang dapat talakayin kaugnay ng pandemya.
Kamakailan nang lumabas ang impormasyon na naghain ng resolusyon ang mga kaalyado ni Pangulong Duterte sa Senado para mag-convene bilang “Constituent Assembly” ang dalawang kapulungan ng Kongreso.