Ni Pat Fulo
TINIYAK ng Palasyo na makatatanggap ng suplay ng bakuna kontra COVID-19 maging ang mga mahihirap na local government units (LGUs) sa bansa.
Ito ang siniguro ni Presidential Spox. Harry Roque sa gitna ng paglalaan ng pondo ng mga alkalde sa Metro Manila para sa COVID-19 vaccine ng kani-kanilang constituents.
Paliwanag ng kalihim, mismong ang national task force on COVID-19 ang bibili ng bakuna para sa lahat ng Pilipino.
Sadyang mayroon lamang aniyang mga LGUs na nais tumulong sa national government na may sapat na pondo at kakayahan upang mag-secure ng sarili nitong suplay ng bakuna.
Bagay na aniya, isang malaking tulong sa national government upang mas mabilis na makarating sa taumbayan ang bakuna.
Magugunitang sunod-sunod nang nag anunsyo ang mga alkalde sa Metro Manila ng kanilang pondong ilalaan para sa bakuna kontra COVID-19.
Samantala, mayroong komite ang pamahalaan na partikular na susuri at tututok sa posibleng side effects ng COVID-19 vaccines na gagamitin sa bansa.
Ito ang tiniyak ni Philippine Foundation for Vaccination Exec. Dir. Dr. Lulu Bravo sa isinagawang press briefing sa Malacañang.
Ayon kay Dr. Bravo, ito ay ang national adverse event following immunization committee na binubuo ng iba’t ibang eksperto at espesyalista.
Ani Dr. Bravo, 2013 pa lamang ay gumagana ang nasabing komite na mayroon ding branch sa local at regional immunization centers sa buong bansa.
Sa katunayan aniya ay isa ang Pilipinas sa iilang mga bansa sa Asia Pacific na mayroong ganitong klaseng komite.