Ni Margot Gonzales
NILINAW ni Senate President Tito Sotto III na sa naging huling pagpupulong nito kasama ang Pangulo na pagbubuwag ng partylist system ang inihihirit ng Pangulo sa Kongreso at hindi ang term extension. Ayon sa liderato ng Senado gusto ng masolusyunan ng pangulo ang problema sa CPP NPA sa tulong ng Kongreso.
Nilinaw ni Senate President Tito Sotto III na hindi term extension kungdi ang maamyendahan ang partylist system sa ilalim ng 1987 Constitution ang isinusulong ngayon ng Pangulo.
Ginawa ni Sotto ang paglilinaw kasunod ng mainit na usapin sa Charter Chage na ibinubuhay sa Kamara ngayon at ang mga usap usapang gusto ng Pangulo na baguhin ang konstitusyon para maipagpaliban ang 2022 National Elections.
Matatandaan na noong buwan ng Disyembre nang inihain ng mga ally senator ng Pangulo na sina Ronald Bato dela Rosa at Francis Tolentino ang resolusyon na maguutos sa Kongreso para magconvene para maamyendahan ang 1987 Constituion.
Ayon kay Sotto, sa naging pagpupulong nila ng pangulo kasama ang mga kongresista dalawang buwan na ang nakakaraan ay wala aniyang nabanggit ang Pangulo patungkol sa No election o Term Extension pero malaki raw ang pagnanais nitong masolusyunan ang problema ng gobyerno ng CPP NPA sa tulong ng Kongreso.
Matatandaan na sa pagdinig ng Senado patungkol sa red tagging ay pinaninindigan ng Security Sector, ng mga dating kadre at mga grupo ng mga magulang na narecruit ng NPA na ang Makabayan Bloc ay konektado sa CPP NPA.
Maliban naman sa pagbubuwag ng partylist ay sinabi rin ni Sotto na nais ng Pangulo na magpasok ng ammendmenets sa ilang economic provisions.