Ni Cresilyn Catarong
UMARAY na ang mga mamimili sa mahal na presyo ng ilang pangunahing bilihin partikular ang produktong baboy na umabot na sa P400 ang kada kilo. Kaugnay nito, susuriin ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang inventory status lalo na sa suplay ng baboy kasunod ng pagtaas ng presyo nito sa ilang pamilihan.
Tinitingnan ngayon ng DA ang kanilang inventory status para madetermina ang dahilan ng mataas na presyo ng baboy.
Una rito, umaray na ang mga mamimili sa mahal na presyo ng ilang bilihin partikular ang pork products na umabot na sa P400 ang kada kilo ng baboy.
Ayon kay DA Assistant Secretary Kristine Evangelista sa Laging Handa public briefing, sa law of supply and demand, kapag kulang ang supply, ay nagkakaroon ng paggalaw ng presyo.
“Ngayon tinitingnan natin ang inventory status because sa tinatawag nating law of supply and demand. Kapag kulang ang ating supply, definitely mayroong paggalaw ng presyo. So iyon ang dahilan kung bakit mayroon tayong mataas na presyong nakikita lalo na sa baboy,” ayon kay Evangelista.
Sa ngayon, hinihintay umano ang report mula sa livestock group dahil tinitingnan nila ang inventory ng hogs at frozen pork upang makita kung may sapat bang suplay.
Nakatutulong din ito para maging gabay ng ahensya kung tama ang price point ng traders na ipinapasa naman sa mga tindera.
Gayunpaman, habang mataas ang presyo ng baboy sa public market mayroong Kadiwa meat ang DA at ito ay pasok sa suggested retail price o SRP.
Mas palalakasin naman ng DA ang kanilang Kadiwa market kasunod ng pagtaas ng presyo ng ilang bilihin upang makatulong sa mga konsyumer.
Sa ngayon, tinatrabaho ng DA ang pagpapataas ng suplay ng baboy lalo na sa Luzon.
“For the meantime, we are working on increasing the supply dahil mayroon tayong nakitang kakulangan ng supply mula sa Luzon, dito sa Metro Manila,” ani Asec. Kristine Evangelista.
Samantala, pagdating naman sa usapin kung kailangan nang mag-import ng baboy sa ibang bansa, inihayag ni Evangelista na patuloy pa rin nilang isusulong ang local products.
“Para sa akin, bago tayo mag-angkat, kailangan makakuha tayo ng konkretong datos kung gaano karami ba ang ating imbentaryo ng pork products,” ayon pa kay Evangelista.
Aminado naman ang DA na isa rin sa dahilan na apektado ang suplay ng baboy ay dahil sa kaso ng african swine fever o ASF at bird flu sa ilang probinsya.
Maliban dito, may ilang livestock at poultry raisers din na nagtigil operasyon dahil sa pandemya.
Samantala, inilahad ng DA na sapat naman ang suplay ng bigas at hindi malaki ang paggalaw ng presyo nito.