Ni Arjay Adan
NAGLAAN ng hindi bababa sa sampung milyong piso ang Marikina City government para sa idemnity fund nito para sa mga residenteng posibleng makaranas ng side effects ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay Mayor Marcelino Teodoro, sa inisyal na plano ng kanyang pamahalaan, nasa limang milyong piso lamang ang nakalaang pondo para dito ngunit nagawa nila itong dagdagan.
Ayon pa kay Teodoro, sa ngayon ay nasa 10 hanggang 15 milyong piso na ang pondo para sa kanilang idemnity fund.
Dagdag pa ng alkalde, hindi sila maglalagay ng cap sa ibibigay na tulong sa bawat indibidwal at idedepende ito sa medication o treatment na kailangan ng pasyente.
Ngunit paglilinaw naman ni Teodoro, ang pondong ibibigay ay sa pamamagitan ng medical assistance at hindi cash.