Ni Vhal Divinagracia
IPINAHAYAG ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpasok sa bansa ng mga foreign national na may visa na inisyu simula Marso 20, 2020 at nananatiling may bisa pa rin pagkarating sa bansa.
Pinapahintulutan na rin ang pagpasok sa bansa ng mga may valid at existing special resident at retirees visa basta mayroon silang maipiprisintang entry exemption document sa Bureau of Immigration sa kanilang pagdating.
Ayon pa kay Roque na dapat ding sumunod sa ilang kondisyon ang mga darating na dayuhan.
Dapat mayroong pre-booked accommodation ng anim na gabi ang foreign national sa isang accredited quarantine hotel o facility at subject din sila sa COVID-19 testing sa quarantine hotel o facility sa ika-anim na araw mula ng araw ng kanilang pagdating.
Dagdag pa ng Palace official, subject din ang mga papasok na foreign nationals sa maximum capacity ng inbound passengers sa port at date of entry.
Magiging epektibo ang bagong IATF order sa Pebrero 16.