Ni Karen David
INILUNSAD ng Manila City Government ang COVID-19 Food Security Program ngayong araw.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ang humigit-kumulang 700,000 pamilya sa lungsod ng Monthly Food Subsidy (MFS) mula sa local government.
Sinabi ni Mayor Isko Moreno, ang MFS ay para mapagaan ang epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya ng Pilipinas at mapigilan ang gutom sa mga pamilyang mahihirap sa lungsod.
Kabilang sa food subsidy ang 3 kilong bigas, 16 piraso ng de lata at walong sachet ng kape.
Sinabi ni Moreno na nasa tatlong bilyong piso ang inilaan para sa pagpapatupad ng programa.
Bukod sa Food Security Program, tiniyak ni Moreno sa publiko na nanatiling tuloy-tuloy ang ongoing housing projects sa kabila ng pandemya.
Samantala, sumampa na sa 26,964 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila.
Ito ay matapos makapagtala ng 37 na karagdagang kaso ng sakit sa lungsod.
Batay sa Manila Emergency Operation Center COVID-19 Monitoring, nasa 372 ang active cases sa lungsod hanggang kaninang alas 12 ng tanghali, Pebrero 10.
Habang pumalo na sa 25,803 ang total na gumaling matapos itong madagdagan ng 30.
Nananatili naman sa 789 ang mga nasawi.