Ni Vhal Divinagracia
AKSYONAN at ipagpatuloy na dapat ang hearing noong Agusto ng nakaraang taon kaugnay sa mataas na lebel ng pagkita ng Manila Electric Company o Meralco.
Magugunitang noong 2020, inirereklamo ng Meralco Electricity Consumers na biglang tumaas ang kanilang bayarin sa kuryente sa loob ng lockdown period kahit hindi naman nagsagawa ng meter reading ang kumpanya.
Isang malaking problema ito ayon sa consumers dahil kasagsagan ng pagsarado ng mga negosyo na nagreresulta na rin ng pagkawala ng trabaho.
Ayon sa panayam ng Sonshine Radio kay Laguna First District Dan Fernandez, ipinanawagan nito na sana’y ipagpatuloy na ito ng Kongreso at mahimay na ang posibleng scam na nangyayari.
Ayon sa pananaliksik ni Fernandez, aabot sa 15% mula sa sinisingil ng Meralco sa bawat consumer ang napupunta sa kanila samantalang dapat ay 6-8% lang ang nararapat. Isa lang umano ito sa kanyang inilatag na maraming anomalya noong nakaraang taon.
Nangako rin aniya si Energy Regulatory Commission o ERC Chairperson Agnes Devanadera na maglalabas sila noong Disyembre ng nakaraang taon ng bagong taripa sa Meralco bilang solusyon sa naturang isyu pero hindi naman ito naisakatuparan.