Ni Stephanie Macayan
HIGIT na pag-iingat ang kinakailangan upang maiwasan ang maraming sakit sa baga o respiratory diseases.
Narito ang ilang sakit sa baga na maaaring iwasan.
BRONCHITIS
Kapag may bronchitis, ang gilid o lining ng tubong dinadaluyan ng hangin palabas at papasok sa baga ay namamaga. Dahil dito mararanasan ng maysakit ang matinding pag-uubo na may kasamang malapot at makapit na plema.
May dalawang uri ng bronchitis — chronic at acute. Chronic ang karaniwan na nakukuha ng tao, ang sanhi nito ay ang paninigarilyo.
Ang acute bronchitis naman ay kadalasang secondary infection, sumasalakay ang bacteria kung ang indibidwal ay may mahinang katawan lalo na kung magkaroon ng ubo, sipon o kaya naman ay tamaan ng flu o trangkaso.
Maiiwasan ang bronchitis kung titigil sa paninigarilyo at magkaroon ng healthy diet. Maayos na pagkain din ang kailangan para makaiwas na tamaan ng acute bronchitis. Kadalasan ang vulnerable dito ay ang mga may asthma, madalas na inuubo, may problema sa baga, masikip na paghinga, mga matatanda at bata.
“Ipinapayong iwasan ang mamantika at matatamis na pagkain sapagkat nadi-displace ng mga ito ang mga masusustansiyang pagkain na may micronutrients na kailangan ng immune system. Ang sobrang pag-inom ng alak at coffee ay dapat bawasan din sapagkat pinipigil nito ang immune system para linisin ang toxins sa dugo,” ayon kay Dr. Tranquilino Elicañor Jr., isang pulmonary medicine specialist.
PNEUMONIA
Isa naman ang pulmonya sa tinuturing na nangungunang sanhi ng pagkamatay lalo na sa mga senior citizens. Ito ay isang nakakahawang sakit na dulot ng impeksyon ng mikrobyo sa daluyan ng ating paghinga.
Ang mga mikrobyong ito ay ang bacteria, virus, at fungi. Ang mga ito ay maaaring makuha sa trabaho, lansangan, ospital, at eskwelahan.
Malalang pag-ubo na may kasamang plema ang kaakibat nito, hirap sa paghinga, lagnat, at pagkakaroon ng tubig sa baga.
“‘Pag sinabi kasing bronchitis, lower respiratory tract infection siya. So sasabihin nating inuubo siya, maaaring may lagnat, mayroon din siyang plema. Pero pag in-x-ray, lalabas sa x-ray na area of whiteness,” sabi ni Isauro Guiang Jr., isang pulmonologist.
Ayon kay Guiang, may “naririnig” na kakaiba sa baga ng mga may pneumonia.
Dapat ding pag-ingatan ang mga nakatatanda dahil walang sintomas na nakikita sa kanila kahit sila ay may pneumonia na kaya kadalasan ito ang kanilang ikinamamatay.
TUBERCOLOSIS
Mas kilala na TB ang sakit na ito na dulot ng mikrobyong Mycobacterium tuvercolosis na nakakaapekto sa baga at maaari rin na makapinsala sa iba pang bahagi ng katawan tulad ng buto, utak, bato at atay.
Ang karamdamang ito ay lubhang nakakahawa at madaling makuha ito kahit sa talsik ng laway ng maysakit. Ngunit, hindi naman lubos na dapat ikabahala ito dahil ang TB ay sakit na mayroon ng lunas. Ipinapayo lamang ng mga doktor ang lubos na pag-iingat sa lahat ng panahon.
Upang maiwasan na makahawa at mahawa sa TB kung uubo at babahing ay dapat gumamit ng panyo o tissue na pantakip sa bibig. Kapag naman may umubo o bumahing malapit sa iyo ay takpan din ng panyo o tissue ang bibig. Ugaliin din na nasa tamang lugar at paraan ang pagdura, mahalaga rin ang pag huhugas ng kamay matapos umubo o bumahing. Kung wala namang panyo o tissue maaring gamitin ang manggas ng damit.
LARYNGITIS
Ito ay sakit sa lalamunan; masakit na pamamaga ng lalamunan o voice box. Kung nakakaramdam o nagkakaroon ng hoarseness o abnormal voice changes, maaring ang dahilan nito ay ang pangangati ng lalamunan, sipon at ubo.
Nagiging sanhi rin ng pamamaos ang acute laryngitis na dulot ng hindi gumaling-galing na sipon.
Kung kasabay ng pamamaos at pagsakit ng lalamunan ang pagkakaroon ng ubo at plema, maaaring sintomas din ito ng bronchitis o kaya phryngitis.
“General term kasi ang sore throat so it’s used loosely by patients,” ani Dr. Guiang.
CHRONIC OBSTRUCTIVE PULMONARY DISEASE (COPD)
Ito ay malubha at napakasakit para sa pasyente. Kapag sinusumpong ng COPD, nahihirapang lubos ang pagdaloy ng hangin sa baga kaya nangangailangan pang ikabit sa oxygen tank ang pasyente.
Ang mga sintomas nito ay sobrang hirap sa paghinga, pag-ubo, at pamumuo ng malagkit na plema. Nangyayari ito kung matagal nakakalanghap ng usok na kadalasan ay galing sa sigarilyo o kaya mula usok ng lansangan.
Ang mga taong may COPD ay malaki ang tsansa na magkaroon ng heart disease, lung cancer at iba bang uri ng karamdaman.
Maiiwasan ito kung ititigil ang paninigarilyo hindi lamang para sa sarili, kundi pati na rin sa taong makalalanghap ng usok ng sigarilyo o second hand smoker.
Mahirap man itigil ang nakasanayang paninigarilyo ay dapat pa rin itong itigil. Ito lamang ang pagkakataon upang maiwasang masira nang tuluyan ang iyong baga at maiwasan din na makaperwisyo sa kapwa.