Ni Karen David
ISINASAGAWA ng mga government official ang simulation exercise para sa pagdating at deployment ng COVID-19 vaccine ngayong araw sa Ninoy Aquino International Airport.
Paghahanda ito para sa nalalapit na pagdating ng unang batch ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Kabilang dito ang coordination system para sa management ng bakuna mula sa pagdating nito sa point of entry sa paliparan, patungo sa warehouse at sa point of distribution.
Kaugnay nito ay ininspeksyon din nina Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal at mga health personnel ang refrigeration vans na gagamitin para sa pagbiyahe ng mga bakuna.
Matatandaang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na handa na ang pamahalaan na simulan na ang kanilang vaccination program sa Pebrero 15.
Samantala, unang mababakunahan ng COVID-19 vaccine mula sa Pfizer-BioNTech ang ilang mga ospital sa Metro Manila, Cebu at Davao.
Ito ang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Matatandaang, inihayag ng DOH na unang babakunahan ang mga empleyado ng Philippine General Hospital, Lung Center of the Philippines, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium, at East Avenue Medical Center.
Ayon sa DOH, hindi lamang ang apat na ospital na ito ang unang mababakunahan kundi pati ang mga DOH-designated hospitals para sa COVID sa Cebu at Davao.
Bukod pa rito, una ring mababakunahan ang mga empleyado ng ospital ng mga lokal na pamahalaan at limang private hospitals dito sa Metro Manila.
Nakatakda namang dumating ang 117-K doses ng COVID-19 vaccine sa bansa mula sa COVAX facility ngayong buwan.
Sa kabilang banda, dapat nakaplano ang lahat na gagawin para sa pagdating ng COVID-19 vaccines.
Ito ang binigyang-diin ni Lung Center of the Philippines Spokesperson Dr. Norerto Francisco matapos inihayag nito na 1, 250 sa mga staff ng hospital ang makakabenipisyo ng mga bakuna.
Ayon kay Dr. Francisco, dapat masigurong tiyak ang magiging proseso ng pagdating ng mga bakuna para hindi ito masayang.
Kasama sa kanilang preparasyon ay ang paglalaan aniya ng parking area kung sakaling darating na ang van na naglalaman ng vaccines mula RITM para hindi aniya ito masyadong matagtag.
Samantala, ang 1, 250 nito na staff ay binubuo ng medical at non-medical frontliners, plantilla at job-order employees.