Ni Vhal Divinagracia
BINIGYANG-DIIN ni Surigao del Sur 2nd District Representative at House Committee on Strategic Intelligence Chairman Johnny Pimentel na dapat triplihin ang halaga ng unemployment insurance ng Social Security System o SSS.
Ito ay para sa lahat na natanggal na manggagawang myembro bunsod ng COVID-19 pandemic.
Napapanahon umano ang nasabing panukala dahil marami na ang naghihirap dala ng pagkawala ng trabaho.
Sa ilalim ng House Bill 8594 na ipinanukala ni Pimentel, makakakuha ang isang manggagawa ng aabot sa 50% ng kanilang monthly salary sa loob ng anim na buwan sa pamamagitan ng one-time payment.
Sa kasalukuyang benepisyo ng SSS, 50 percent ng monthly salary sa loob ng dalawang buwan lang ang ibinibigay sa members na nawalan ng trabaho.
“The unemployment is now growing, now kung two months lang, mukhang hindi na kakayanin. My intention is to expand this benefit to six months para naman merong leeway yung natanggal na worker. Meantime na naghahanap sya ng trabaho, eh meron syang pangtustos sa pang araw-araw na gastos.”
Matatandaang sakop ng Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018 ang pagbibigay ng cash benefit sa mga SSS member na nawalan ng trabaho dahil sa retrenchment, closure of business at iba pa.
Samantala, ayon kay Rep. Pimentel, hindi naman dapat ipangamba ito ng SSS dahil hindi panghabangbuhay ang nasabing panukala kundi sa panahon lang ito ng pandemya.