Ni Shane Elaiza E. Asidao
KAHIT pa anong kultura, bukas sa karamihan ang pagtangkilik sa pag-inom ng tsaa. Sa kabila ng matapang na amoy nito, ayon sa mga eksperto, maraming benepisyo ang naibibigay ng pag-inom ng tsaa.
Maliban sa pinakamasarap na paraan sa pagbibigay ng tubig sa katawan, nakatutulong din ito upang maprotektahan ang iyong puso, at posibilidad na malabanan ang sakit na kanser.
Isa rin itong mabisang ‘antioxidant’ na nakatutulong sa paglaban ng katawan sa polusyon, dumi sa pagkain at iba pang bacteria na puwedeng pagmulan ng sakit.
Dagdag pa rito, wala rin halong ‘caffeine’ ang tsaa kaya wala itong masamang epekto sa iyong nervous system. Ayon rin sa isang pagsusuri, 20 porsiyento ang nabawas sa posibleng heart attack at 35 porsiyento naman sa stroke ng mga umiinom isa hanggang tatlong basong tsaa kada araw.
Bukod pa sa benepisyo nito na kayang protektahan ang iyong buto, nakatutulong din ang pag-inom ng tsaa sa pagbabawas ng timbang.
Lumalaban din ito sa malalang dulot ng stress. Gayundin ang pagpapalusog at pagpapatibay ng utak.
Higit sa lahat, pinapalakas nito ang ating ‘immune system’ na dahilan para maka-iwas sa malubha at matinding sakit.